Habagat magpapaulan sa bahagi ng bansa

Habagat magpapaulan sa bahagi ng bansa

July 9, 2022 @ 8:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kasalukuyang nakaaapekto ang Southwest Monsoon (Habagat) sa kanlurang bahagi ng bansa at inaasahang magpapaulan sa iba pang lugar, ayon sa PAGASA.

Magiging maulap ang kalangitan sa Calabarzon, Mimaropa, Bataan, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at BARMM na sasabayan ng kalat na pag-ulan.

Inaasahan naman ang pagbaha at pagguho ng lupa “due to moderate to heavy rains.”

Makararanas naman ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap na kalangitan na sasabayan ng isolated na pag-ulan dahil sa monsoon.

Kasalukuyan ding binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) 825 km silangan ng Surigao City, Surigao del Norte bandang alas-3 ng madaling araw kanina.

“Mababa ang tiyansa na ito ay maging bagyo sa loob ng 24 oras,” ayon kay PAGASA weather forecaster Benny Estareja.

Subalit aniya, posibleng lumakas ang LPA sa mga susunod na araw at makaapekto sa silangang bahagi ng bansa.

“Ang projection nitong LPA ay moving northwest in the next 2 to 3 days… In the 2nd or 3rd day, doon mas mataas ang tiyansa na ito ay maging bagyo… By Monday or Tuesday, makakaapekto na ito sa silangang bahagi ng bansa,” ani Estareja.

Samantala, ang coastal waters ay magiging moderate to rough sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon ngayong Sabado.

Sa natitirang bahagi naman ng bansa, ito ay inaasahang magiging slight to moderate.

Sumikat ang araw kaninang alas-5:33 ng madaling araw at lulubog mamayang alas-6:30 ng hapon. RNT/SA