Habal driver tigok sa paltik ng pasahero

Habal driver tigok sa paltik ng pasahero

October 5, 2022 @ 12:25 PM 2 months ago


MANILA- PATAY ang isang habal-habal driver matapos barilin at tangayin ng suspek na nagpanggap na pasahero nitong Martes sa Pasig City.

Agad na nasawi ang 59-anyos na biktimang hindi pinangalanan, sanhi ng tama ng bala ng baril sa katawan at taga Antipolo Rizal.

Sa isinagawang manhunt operation ng mga awtoridad nadakip sa Taguig City ang suspek na kinilalang si Rocky Manuel at dalawa pang sina Russel Manuel at Ernest Osmeña na nakitang gumamit rin ng motorsiklo.

Ayon kay Pasig Police Commander PS-2 Plt. Jason Lovendino, makikita sa mga kuha sa CCTV na bandang 5:00 AM nagmasid na ang suspek sa lugar at nakita nito ang biktima na kanyang tinawag saka sumakay at nagpahatid sa Barangay Ilog, Pasig.

Pagdating sa lugar, pinababa ng suspek ang biktima sa motorsiklo saka pinagbabaril at mabilis na tumakas tangay ang motorsiklo.

Lumabas sa rekord ng pulisya, na marami na rin reklamo laban sa suspek na may kinalaman sa pagtangay ng motorsiklo at illegal na droga.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek./Mary Anne Sapico