Ang importante ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay kung saan patungo ang leadership ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte habang hindi pa naisulong ang pederalismo na naglalayong paiksiin ang kanyang termino at makapaghalal ng transition President na papalit sa kanya.
Sinabi kasi ni Chief Justice Hilario Davide na ang pagsusulong ng pederalismo ay naglalayon lamang na paiksiin ang termino nbi VP Leni.
“Wala pong katuturan yan kasi malinaw naman po na hindi binibigyan masyado ng Palasyo ng pansin naman iyong karera ni Vice-President. Bahala naman si Vice-President sa karera niya. Ang malinaw lang kami ay kung saan patungo ang leadership ni Presidente Duterte,” anito.
At paulit-ulit aniya na sinasabi ni Pangulong Duterte na nais niyang maging legacy sa taumbayan ‘yong charter change patungo ng federalism at matapos makamit iyan ay bababa na siya sa puwesto.
“So, bahala na po sa karera niya si VP Leni,” diing pahayag ni Sec. Roque.
Nauna rito, naisumite na ng Constitutional Commission (ConCom) ang draft Federal Constitution kay Pangulong Duterte.
Subalit balik pulong ulit sila para pag-usapan ang kahilingan ng Pangulo na isaad sa transitory provisions na hindi na siya tatakbo sa 2022.
Kapag natuloy ang bagong Konstitusyon nais din niyang ipalagay na ibibigay sa iba at hindi sa kanya ang pamumuno ng makapangyarihang transition commission.
Matapos ang tatlong oras na ConCom meeting sinabi ni ConCom Chair Reynato Puno na matapos maratipikahan ang bagong Federal Constitution magkakaroon ng haalan para sa president at vice-president ng bansa.
Kung maratipikahan ang bagong Saligang Batas magkakaroon lang sila ng 3 taon sa puwesto hanggang magkaroon ng eleksyon sa 2022.
Ang mahahalal na transition President papalit kay Duterte at mamumuno sa makapangyarihang transition commission na magre-reorganisa sa gobyerno para ihanda ito sa Federal system.
Hindi rin ito maaaring tumakbong Pangulo sa 2022.
Kapag natuloy ang planong pederalismo ay iiksi ang termino ni Vice-President Leni Robredo.
Ayon kay Puno, “Kasi kung presidente lang ie-elect mo, kung nadisgrasya presidente, sino magiging successor niya? Kailangan may vice president.”
Ang bagong maihahal na transition president at vice president ay hanggang sa 2022 lamang manunungkulan kapag natapos na ang transition sa pederalismo.
Makaroroon ng eleksyon anim na buwan matapos maratipikahan ang bagong konstitusyon sa pamamagitan ng plebisito. Hindi pwedeng tumakbo sa 2022 elections ang transition president at vice president. Ganun din, kailangang umalis sa pwesto ang lahat ng appointees ni Duterte kapag mayroon ng transition president. (Kris Jose)