Habang patungo sa court hearing: 3 preso, patay sa ambush sa Cebu

Habang patungo sa court hearing: 3 preso, patay sa ambush sa Cebu

July 21, 2018 @ 1:11 PM 5 years ago


 

Cebu – Todas ang tatlong preso matapos silang tambangan ng dalawang riding in tandem habang sakay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) vehicle para sana dumalo sa isang pagdinig sa kanilang kaso sa korte sa Talisay City, Cebu araw ng Biyernes.

Nasawi habang isinusugod sa ospital ang mga biktima na sina Yayam Gaviola, Marwin Abelgas at Rabadon Jovencio, pawang bilanggo sa Talisay City Jail.

Nakaligtas naman sa ambush ang dalawang armadong BJMP escort ng mga ito dahil hindi sila pinuntirya ng mga suspek.

Ayon kay Police Supt. Virgilio Bayon-on, public information officer ng Cebu Provincial Police Office (CPPO), hindi pa gaanong nakalalayo sa Talisay City Jail ang sasakyan nang ito ay tambangan ganap na alas-9 ng umaga.

Lumalabas sa inisyal na report, apat na armadong lalaki na sakay sa dalawang motorsiklo ang humarang sa daanan ng sasakyan ng BJMP at nagkunwaring nag-aaway ang mga sakay nito.

Nang tumigil ang sinasakyan ng mga preso ay dumating ang isa pang motorsiklo sa likurang bahagi at doon na pinagbabaril ang tatlong bilanggo bago mabilis na nagsitakas ang mga suspek.

Dadalo sana ang mga biktima sa korte para sa kanilang pagdinig sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002 nang sila ay tambangan. (Jeff Gallos)