Hacking sa data base ng AFP, iniimbestigahan na

Hacking sa data base ng AFP, iniimbestigahan na

April 4, 2019 @ 7:50 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang imbestigasyon sa naiulat na pangha-hack sa kanilang data base kung saan nakasaad ang impormasyon ng nasa 20,000 military personnel, kabilang na ang kanilang injury.

Ayon kay AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO)Chief Col. Noel Detoyato kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa Communication Electronics and Information Systems Service, Armed Forces of the Philippines (CEISSAFP).

“Kababasa ko lang. Ipapasa ko sa CEISAFP para maka react sila kung anong website itong data base na ito,” ani Detoyato.

Una nang sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary Allan Cabanlong na ang DICT ay kumikilos na sa naiulat na breach upang masiguro na ang bansa at ang iba’t ibang institusyon nito ay cyber resilient at cyber safe.

Maging ang National Privacy Commission (NPC) ay nakikipagtulungan na rin sa Office of the Assistant Chief of Staff for Communications, Electronics, and Information Systems (G6) na nakabase sa Fort Bonifacio bunsod ng hacking.

Magugunita na noong Lunes napabalita ang breach sa data base ng militar na gawa umano ng grupo ng hackers na tinatawag na  “PinoyLulszsec” kung saan na-expose ang mga sensitibong impormasyon ng nasa 20,000 military personnel.

Ang pangha-hack ay parte ng taunang three-day hacking operation ng grupo na tinawag nilang “April Lulz Day” at nilalahukan ng mga miyembro ng grupo sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tiniyak naman ng miltar na mas pinalalakas na nila ang kanilang seguridad upang hindi na maulit pa ang insidente.

“Rest assured that all other data in our network is secured and that further security assessments are being done to prevent a repeat of this incident,” ani Lt. Col. Ramon Zagala, Army spokesman, sa statement./Remate News Team