HAKA-HAKA SA PATAY SA COVID SA CHINA

HAKA-HAKA SA PATAY SA COVID SA CHINA

January 19, 2023 @ 1:38 PM 1 week ago


SINASABING makaraang hilingin ng World Health Organization na buksan ng China ang  totoong rekord sa pananalasa ng COVID-19 sa teritoryo nito, sinabi na ng China na nasa 60,000 ang namatay sa COVID simula Disyembre 8, 2022 hanggang Enero 12, 2023.

Nauna rito, sinasabi ng China na kakaunti lang ang namamatay sa COVID ngunit bigla na ngang nagbago ang kalagayan.

Ayon sa Airfinity Ltd. na nakabase sa London, Englandna gumagawa ng mga pagtaya sa mga pangyayari, maaari umanong naganap ang 60,000 at patuloy na magaganap ang maramihang kamatayan sa China dahil sa pagbubukas ng pintuan nito sa mundo at pagbuwag sa mga lockdown at quarantine sa mga lumalabas at pumapasok rito.

Bukod dito, maaaring maiuugnay rin ang maramihang kamatayan sa sinasabing nasa 60 porsyento ng 1.4 bilyong mamamayan ng China ang may COVID sa kasalukuyan, lalo’t marami o milyon-milyon ang hindi bakunado.

Sinasabi pang maaaring lalala pa ang kalagayan dahil sa pagbiyahe ng bilyong mamamayang Tsino kaugnay ng nalalapit nang pagselebra nila ng Bagong Taon sa susunod na buwan.

Ang mga may COVID na magbibiyahe para dalawin ang mga kamag-anak ay makapanghahawa at ang mga mahahawaan, makapanghahawa rin.

Ang bilang nila para sa mga patay sa nakaraan, kasama na ang 60,000 ay nasa 600,000.

Kapag pinagsama-sama ang lahat ng negatibong kondisyon na nabanggit sa itaas, mga Bro, maaaring aabot umano sa 36,000 ang mamamatay araw-araw sa China.

PAGTAYA LAMANG VS TOTOONG PANGYAYARI

Kung iisipin, puro pagtaya lang ang ginagawa ng Airfinity Ltd.

At masasabing labis-labis lang ang pagtaya nito sa nagaganap at magaganap pa sa China sa mga araw na darating.

Para sa ULTIMATUM, kung ano ang aktuwal na rekord, siya ang dapat na mamayani.

At kung ano ang ilalabas ng China na rekord, maaaring siya ang tunay na katotohanan ukol sa kamatayan sa COVID.

Sinasabi natin ito dahil may mga pagkakataon na ang mga lumalabas na balita ay hinahaluan ng propaganda o ikasasama ng isang bansa, gaya ng China, na nais sirain ng mga kakumpitensya nito sa halos lahat ng bagay, kasama na ang negosyo at impluwensyang pulitikal.

MAG-INGAT PA RIN

Sa gitna ng lahat, sa parte ng mahal kong Pinas, dapat may kaukulang pag-iingat pa rin ang lahat.

Labis-labis o wala man sa katinuan ang iniuulat o pagtaya ng Airfinity Ltd., hindi naman kaila sa lahat na may mga namamatay sa China na hindi inaasahan ang bilang gaya ng nasa 2,000 araw-araw o 60,000 sa loob ng isang buwan.

Kaya naririyan dapat ang pag-iingat.

Lalo’t binuksan na rin natin ang ating bansa mula sa pandemya kahit pa sa China para sa turismo, negosyo at pakikipagkaibigan, asahan na natin ang pagpunta ng mga Pinoy sa China at ng mga Tsino sa Pinas.

Kapag nagdagsaan ang mga Tsino mula sa China o mula sa ibang bansa ngunit dumaan sa Pinas, hindi masamang gawin natin ang itinatakda ng pamahalaan laban sa COVID.

Magsuot ng face mask, mag-social distancing, magpabakuna, magpa-booster at iba pa.