Hakbang ni PBBM vs inflation, nagpabuti ng poverty level

Hakbang ni PBBM vs inflation, nagpabuti ng poverty level

October 22, 2022 @ 3:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) director-general at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nakatulong ang mga hakbang na ipinatupad ng administrasyong Marcos para mapabuti ang poverty level nitong Setyembre.

Sa isang kalatas, nilinaw ni Balisacan na ang self-rated poverty na pagtatantiya batay sa ipinresenta ng Social Weather Stations (SWS) sa kanilang September report ay hindi  maihahambing sa  official poverty na pagtatantiya naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) surveys.

Sa SWS survey na isinagawa sa petsang Setyembre 29 hanggang Oktubre 2, makikita na 49% ng pamilyang filipino ang ni-rate ang kanilang mga sarili bilang  mahirap, mula 48% sa buwan ng Hunyo; 29% bilang borderline, mula 31% sa buwan ng Hunyo; at 21% naman bilang hindi mahirap, kahalintulad sa rating sa buwan ng Hunyo.

Sinabi ni Balisacan na ang bahagyang pagtaas sa self-rated poverty noong Setyembre kumpara sa buwan ng Hunyo ay inaasahan dahil na rin sa pag-arangakada ng inflation, partikular na sa pagkain at transporrtasyon sa nasabing panahon.

Wika pa niya, mas tataas pa sana ang inflation kung hindi kaagad nabuksan ang ekonomiya at hindi nasimulan ang pamamahagi ng targeted subsidies para sa  low-income households, public utility drivers, at farming at fishery sectors.

“Note that inflation has been coming partly from external factors, including global supply disruptions caused by the Ukraine-Russia war,” ani Balisacan.

“Moving forward, we need to speed up providing financial assistance to the poor [and] most vulnerable groups, implementing our food production enhancement programs, and executing timely food importation,” giit pa niya.

Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang Pangulo hinggil sa tumataas na inflation rates kahit pa ang overall inflation forecast para sa Pilipinas ay mas mabuti kumpara sa ibang bansa.

Samantala, umaasa naman si Balisacan na ang pagtaas ng  inflation ay pansamantala lamang, inaasahan itong bababa at babalik sa medium-term target na 2% hanggang 4%.

“This outlook is borne out by the World Bank’s recently released October forecast for 2022 and 2023: it expects the Philippines to grow by 6.5% in 2022, second only to Vietnam among major ASEAN economies, and by 5.8% in 2023 – again faster than Indonesia, Malaysia, and Thailand,” ayon sa ulat. Kris Jose