Hakbang sa protected area, wildlife conservation ng DENR-BMB ibinahagi

Hakbang sa protected area, wildlife conservation ng DENR-BMB ibinahagi

December 27, 2022 @ 6:03 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ang mahahalagang tagumpay sa larangan ng protected area management, cave management at wildlife conservation habang umuusad na ang bansa patungo sa post-pandemic era.

Sinabi ni BMB Director Natividad Bernardino, ang mga nakamit na ito ay “a testament that the importance of conserving wildlife and their natural habitats are now prioritized by communities and policymakers.”

“While we are treading into the post-pandemic era, the BMB—together with DENR field offices—continues to be at the forefront of protecting, conserving, and sustainably managing the country’s flora and fauna,” saad ni Bernardino.

Kaugnay nito, nitong 2022, ang BMB ay nagkaroon ng mga pagbabago sa larangan ng protected area management sa pamamagitan ng pagkakatatag ng karagdagang pitong protected areas (PAs) sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS) kung saan umabot na ito sa kabuuang 248 PAs sa buong bansa at mayroong sukat na 7.78 million hectares.

Ayon sa DENR ang lahat ng pitong PAs na naisabatas at nasa ilalim ng Republic Act (RA). Ito ay ang Mt. Arayat Protected Landscape (RA 11684), Mt. Pulag Protected Landscape (RA 11685), Naga-Kabasalan Protected Landscape (RA 11686), Tirad Pass Protected Landscape Act (RA 11687), Banao Protected Landscape (RA 11688), Tugbo Natural Biotic Area (RA 11806), at Sicogon Island Wildlife Sanctuary (RA 11933).

Samantala ang pagsasabatas ng bagong PAs ay makatutulong para makamit ang Aichi Target 11 ng Convention on Biological Diversity na nangangailangan ng kumakatawan sa pagsasaayos at pagdagdag sa bilang ng PAs sa mga kasaping partido kabilang na ang Pilipinas.

Maliban dito, 131 PAs ang nakapagtatag at namamahala ng ecotourism facilities at amenities upang maisulong ang ecotourism sa mga lugar na ito. Umabot na rin sa 171 PAs ang nakapagtatag ng Integrated Protected Area Fund batay na rin sa NIPAS Act.

Sa nakalipas na limang taon, tinatayang aabot sa P386.8 million ang nabuo kung saan 75 percent ng nasabing salapi ay napanatili as PAs na nagbigay ng marami pang pondo para sa pagpapanatili ng pamamahala sa mga lugar na ito.

Sa usapin naman ng cave management, ang BMB ay nakapagtukoy na ng 3,432 caves kung saan 292 dito ay sakop ng PAs.

Ang mga kasalukuyan at kilalang kuweba ay kinakailangang matukoy at ito ay kinakailangang suportado ng impormasyon tulad ng lokal na pangalan, general description (elevation, accessibility, etc.), at lokasyon gamit ang topographic at at iba pang mapa.

Sa nasabing mga natukoy na kuweba, 1,411 ang napag-aralan at 864 dito ang binigyan ng klasipikasyon batay na rin sa kapaki-pakinabang na gamit nito.

Samantala, ang pinalakas na wildlife protection at ang sustainable management ng ecosystems ay nakapagdala sa 12 species sa “improved conservation status.”

Ang Asian giant softshell turtle (Pelochlys cantorii) ay nailipat mula “endangered” patungo “other threatened” species, habang apat pang species – ito ay ang Negros horned tree from (Platymantis negrosensis), Cordilleras cloud frog/Mt. Data Forest frog (Platymantis subterrestris); Mindanao bleeding-heart (Gallicolumba crinigera); at ang Luzon water redstart (Rhyacornis bicolor) – ay nailipat mula sa “endangered” sa “vulnerable” species.

Pitong species pa ang nailipat mula sa “vulnerable” patungo “other threatened.” Ito ay ang Mindanao fanged frog (Limnonectes magnus); Basilan caecilian (Ichthyophis glandulosus); Mindanao caecilian (Ichthyophis mindanaoensis); Cuming’s monitor lizard/ Yellow-headed water monitor (Varanus cumingi); Luzon monitor lizard/ Marbled water monitor (Varanus marmoratus); West Visayan monitor lizard (Varanus nuchalis); at Isarog shrew mouse (Archboldomys luzonensis).

Nagkaroon din ng mahalagang papel ang Wildlife Rescue Center (WRC) sa wildlife protection dahil nagsilbi itong pansamantalang tahanan ng ‘mistreated’ at nailigtas na wild animals.

Sa kasalukuyan, mayroong 34 DENR-established WRC at 36 DENR-designated WRC na pinananatili ng DENR field offices. Santi Celario