Halaga at batas para sa CCTV

Halaga at batas para sa CCTV

July 11, 2018 @ 6:18 AM 4 years ago


 

Malaking tulong sa pamahalaan at mamamayan ang pagkakaroon ng close circuit television o CCTV.

Hindi lang ito laban sa krimen kundi sa mga disgrasya at iba pang pangyayari na nangangailangan ng kaliwanagan.

Gayunman, napakahalaga na dapat malinaw ang lahat ng kuha nitong larawan upang tunay itong makatulong sa mga nangangailangan.

At maipwesto na rin sa mga tamang lugar upang makahagip ng mga larawan na mahalaga.

KASO NI VM LUBIGAN

Sa bahagi ng pamahalaan, hindi pupwedeng masabi lang na mayroon nito.

Ihalimbawa natin ang nangyari sa pagpatay kay Vice Mayor Alex Lubigan, ng Trece Martires City, Cavite.

Hindi pa tiyak ng ating Uzi kung kuha ng CCTV ng barangay  ang naibahagi sa media na video.

Pero klaro na bukod sa malayo ang pwesto ng CCTV, napakalabo pa ang kuha nito.

Kung walang magtetestigo sa kaso, paano ito magagamit  bilang ebidensya laban sa mga suspek?

KASO NI MAYOR BOTE

Nakakuha naman ang isang CCTV ng larawan sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija habang papasok ito sa isang kanto ng maluwag na daan.

Subalit mahirap ding makilala ang mga may gawa ng krimen dahil sa labo at malayo pa ring distansya ng CCTV.

Mauulit ang katanungan ukol sa halaga ng larawan o impormasyon mula sa CCTV sa kasong nalikha ng krimen.

HINDI BASTA MAYROON

Sa parte ng pamahalaan, hindi dapat na umiral ang basta-bastang pagkakaroon ng CCTV.

Hangga’t maaari, dapat na ang pinakamagandang uri ng CCTV ang bilhin at gamitin nito.

Hindi dapat pairalin ang sistema ng “lowest bidder” sa pagbili ng nasabing gadget dahil sa laki ng posibilidad na hindi maganda o substandard ang ibibigay ng suplayer.

Sa lowest bidder kasi nagaganap ang suhulan na dahilan ng pagsasakripisyo ng kalidad ng produkto at serbiyo.

Ibinababa nang husto ang halaga ng pasubasta sa produkto o serbisyo upang magkapera ang mga nagpapasubasta.

Lagi kasing humihingi ang mga korap ng porsyento sa kabuuang halaga ng bagay na pinasusubasta kaya ang matitipid ng mga kontraktor sa “lowest bid” ang ibinibigay na suhol.

At para kumita naman ang mga kontraktor, substandard na produkto at serbisyo ang ibinibigay o ginagawa nila.

Dito nabubulilyaso mismo ang pamahalaan hanggang sa mawalan ng tiwala rito ng taumbayan.

KASONG PAMBARANGAY

May mga sumbong sa atin ukol sa mga CCTV sa barangay.

Sabi ng mga kontrabida sa barangay, may mga kapitan na  nagpoproyekto para sa pagpapalit ng lumang CCTV.

Aprub namang karaniwan ang proyektong ito.

Pero alam ba ninyong minamaniobra ang mga papeles dito hanggang sa maglaho na parang bula ang badyet para rito?

At ang lumang CCTV pa rin ang madaratnan ng mga taga-Commission on Audit sa pagsusuri ng mga ito.

Nagtataka lang ang mga kontrabida kung bakit napalulusutan ang mga taga-COA ng mga korap na opisyal ng barangay.

O baka namang pinepera rin lang ng mga taga-COA ang ganitong bagay?

Inilalabas lang natin ang reklamo mismo ng mga ayaw na mababoy ang mga pondo ng barangay.

WALANG OPERATOR

Maraming barangay na may cctv ang tulog sa gabi.

At ipinauubaya na lang nila sa mga cctv ang pagtatanod.

Anak ng tokwa, bahala na kayong mag-isip ukol dito.

Meron ding iba na gising pero walang operator o walang may kayang mag-operate ng gadget.

Karaniwang ang mga matatandang tanod na nakadeploy ang walang kaalam-alam sa paghawak sa gadget.

Kaya naman, wala ring silbi ang cctv, bukod lang kung kabisado ng mga ito ang lugar para makaresponde nang tama.

Pero heto ang isang mahalagang bagay na nagaganap: walang pansahod ang maraming barangay sa operator na magbabantay ng 24/7.

At wala ring tanod na magtitiyagang magbantay sa barangay sa mahabang oras sa liit din ng bigay sa kanila ng pamahalaang pambarangay.

KAILANGAN BA ANG BATAS?

SA Metro Manila, ang Quezon City ang malinaw na may ordinansa sa cctv sa lahat ng establisimyento.

Ang Baguio City, mayroon din.

No cctv, no permit ang patakaran maliban lang sa mga talaga namang maliliit na pagkakitaan.

Halimbawa sa mga dapat na magkaroon ng cctv ang mga eskwela, mall, ospital, restoran, klab, pawnshop, bangko, computer shop at iba pa.

Ang rason ng dalawang Local Government Unit, malaking tulong ang cctv sa laban sa krimen at pagsolb dito.

Pero makatutulong din ito laban sa mga kalamidad at pagresponde ng mga kinauukulan dito.

Kaya lang, lumalabas na walang pambansang batas para rito.

Tanong ngayon sa mga mambabatas, kailangan ba ang pambansang batas para rito?

-ULTIMATUM NI ANTIPORDA