Halaga ng biniling COVID vax, karapatang malaman ng mga Pinoy – Tolentino

Halaga ng biniling COVID vax, karapatang malaman ng mga Pinoy – Tolentino

December 5, 2022 @ 12:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Karapatan ng bawat Filipino na malaman kung magkanong public funds ang ginastos ng Duterte administration at Department of Health (DOH) sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19, ayon kay Senador Francis Tolentino.

Sa pahayag, sinabi ni Tolentino na mahigpit nitong sinusuportahan ang panawagan na magsagawa ng awdit sa biniling bakuna dahil pera ng bayan ang P115 bilyon na ginastos dito.

“Malaking pondo ang inilabas para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 kaya kailangan itong ma-audit… Suportado natin ang panawagan na ma-audit ang mga biniling bakuna kontra COVID-19,” ayon kay Tolentino, chairman ng Senate blue ribbon committee.

“May karapatan ang mamamayan na malaman kung saan nagamit o kung nagamit ba ito ng tama,” dagdag niya.

Aniya, dapat ipaliwanag din ng DOH ang nasayang na 44 milyong bakuna na tila lumampas sa itinakdang wasted ratio ng World Health Organization (WHO).

Iginiit pa niya na may karapatan ang Kongreso na malaman kung magkano ang ginastos ng badyet sa bakuna bilang preparasyon sa pondong gagamitin sa susunod na taon.

“Sa mga binili nating bakuna, pinakamarami ang Pfizer na nasa 93.7 million doses. Pangalawa ang Sinovac na nasa 56.11 million doses. Pangatlo ang AstraZeneca na nasa 38 million doses at pang-apat ang Moderna na nasa 33 million doses. Panglima ang Johnson and Johnson,” aniya.

“Ang sabi ng DOH, batay sa standard ng WHO [World Health Organization], pinapayagan ang 10% vaccine wastage. Pero kapag inusisa, itong 44 million (doses) na vaccine wastage, pumapatak na 17% ito na mas mataas sa threshold… Dapat maipaliwanag ito ng DOH,” giit pa niya.

“May record din naman na positive ang DOH… Naka-71 million doses sila for 1st doses, mahigit 73 million doses sa 2nd dose at 20 million doses naman sa booster. Halos 166 million [doses] na ang naibakuna ng DOH,” ayon kay Tolentino.

Naunang sinabi ni Commission on Audit chairman Gamaliel Cordoba na akialngan nang mag-awdit dahil humihingi ng resulta ang The World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) sa ipinautang sa pamahalaan hinggil sa pagbili ng bakuna.

Ayon kay Tolentino, hindi sapat na dahil ang non-disclosure agreement (NDA) sa awdit.

“Ang non-disclosure agreement ay 1 to 2 years lang validity… ‘Yung binabangit sa NDA ay ‘yung commercial interest ng pharmaceutical company,” aniya.

“’Yung non-disclosure agreement, ang pinoprotektahan ng mga pharmaceutical company ay ‘yung mga trade secret nila, ‘yung mga industrial secret o patent… Hindi naman tayo interesado roon. Ang interesado tayo ay doon sa presyo,” dagdag niya. Ernie Reyes