Halaga ng piso ngayon, 85 sentimo na lang – PSA

Halaga ng piso ngayon, 85 sentimo na lang – PSA

November 4, 2022 @ 3:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Bumaba pa ang kapangyarihan ng piso na ipambili ng iba’t ibang mga produkto dahil sa mas tumaas na inflation sa buwan ng Oktubre.

Ito ang sinabi nitong Biyernes, Nobyembre 4 ni Philippine Statistics Authority chief at National Statistician Claire Dennis Mapa kung saan ang halaga ng piso noong 2018 ay katumabs ng 85 sentimo na lamang ngayon.

Nitong Hulyo, katumbas pa ito ng 86 sentimo.

Nakakalkula ang purchasing power ng Philippine peso sa pamamagitan ng paghahati ng “1” sa consumer price index, multiplied by 100.

Nitong Oktubre, ang inflation rate ay bumilis pa sa 7.7% mula sa 6.9% noong Setyembre dahil na rin sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain, pamasahe, gasolina at iba pang kagamitan.

Pinakamataas din ang naitalang inflation sa loob ng 14 na taon o mula sa 7.8% noong Disyembre 2008 sa kasagsagan ng global financial crisis.

Ani Mapa, kung susuriin, ang year-to-date purchasing power ng piso ay nasa 87 sentimo laban sa halagang piso nito noong 2018.

Isa rin sa itinuturong dahilan sa pagbaba ng halaga ng piso ay ang paghina rin ng ating pananalapi laban sa US dollar. RNT/JGC