Halalan 2022 bets na kaalyado ng CPP delikado ‘pag nanalo – PDu30

Halalan 2022 bets na kaalyado ng CPP delikado ‘pag nanalo – PDu30

April 13, 2022 @ 8:19 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Delikado ayon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung mananalo ang mga kandidato na kaalyado ng communist movement sa nalalapit na May 9, 2022 elections

“Delikado iyan kasi pag nandiyan na, kung manalo man sila,” ayon kay Pangulong Duterte sa isinagawang joint meeting ng National Task Force (NTF) at Regional Task Force (RTF) to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Butuan City.

Muling inulit ng Pangulo na may mga partylist groups ang nakikipagsabwatan sa Communist Party of the Philippines (CPP).

“Itong partylists, unahin ko lang paved the way for the communists. Komunista ‘yan – entered sa backdoor, sa portals of government, then to win a few seats there. And ‘pag nandiyan na sila, walang ginawa ‘yan  except to criticize government,” ayon sa Pangulo.

Nauna nang isiniwalat ng Chief Executive na pinasok na rin ng communist movement ang iba’t ibang political parties.

Sa kanyang mga nagdaang talumpati, makailang ulit na nagbabala ang Pangulo sa publiko lalo na sa mga botanteng Pilipino laban sa Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, at Gabriela party-list groups, o tinatawag na “KABAG”, nagsisilbi bilang legal fronts ng CPP.

Nauna nang sinabi ng Malakanyang na ang pahayag ng Pangulo laban sa KABAG party-lists ay base sa intelligence report.

Sa joint NTF-RTF ELCAC meeting pa rin ay sinabi ng Pangulo na walang balidong rason ang komunistang grupo na maghasik ng galit sa pamahalaan.

Sa kabilang dako, nananatiling hindi pa rin masigasig ang Pangulo na mag-endorso ng presidential candidate, maliban na lamang kung makakakita siya ng “compelling reason” na gawin ito.

Inihayag ni Pangulong Duterte na ang posibilidad na sinasabing koalisyon sa pagitan ng 2022 election hopefuls at CPP ang posibleng maging dahilan para mapilitan siya (Pangulong Duterte) na suportahan ang isang presidential aspirant.

“‘Yung iba, nakapasok na rin ang mga komunista. Sabi ko noon I will not support any presidential candidate. But if there is a compelling reason to campaign or to endorse a particular candidate kasi ayaw ko ‘yung — not because of personal, wala ‘yung mga ano except that ayaw ko yung mga komunista maghalo sa kanila ngayon,” aniya pa rin.

Nangako rin ang Punong Ehekutibo na gagamitin niya ang nalalabi niyang araw sa tanggapan para tugunan ang insurgency problems para magdala ng kapayapaan at pagbabago sa bansa.

“The three remaining months of my administration are very crucial as we continue to address the country’s problems that have long been affecting the lives of our citizens. The completion of my commitments towards achieving peace, progress, and prosperity remains critical as my term comes to a close,” anito.

Pinuri naman ng Pangulo ang walang kapagurang pagsisikap ng NTF at RTF ELCAC na isulong ang “holistic and whole-of-nation approach” para lutasin ang communist insurgency.

“Accessibility to reform and welfare programs is imperative – it should be our imperative – to help end the decades-long insurgency problem that has curtailed development in the countryside,” aniya pa rin.

Gayundin, muling nananawagan si Pangulong Duterte sa local government units “to synergize their efforts to make the Philippines a stronger and more peaceful nation.”

Ang CPP-New People’s Army (NPA) ay kasama sa listahan ng Estados Unido, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas bilang terrorist group. Kris Jose