Halalan 2022 sisiguruhin ng DICT na ligtas vs cyberattack

Halalan 2022 sisiguruhin ng DICT na ligtas vs cyberattack

March 30, 2022 @ 11:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Information and Communications Technology nitong Martes na sisiguruhin nito na ang web services na ibinibigay nito sa Commission on Elections para sa darating na halalan ay ligtas mula sa cyberattacks.

Ani DICT Acting Secretary Manny Caintic, nagsasagawa na sila ng mga paghahanda upang masiguro ang maayos na eleksyon.

“Una, tayo ang magho-host ng precinct finder at Comelec election results. Siyempre dahil tayo ang magho-host ng web services ng Comelec, ensure natin na ligtas ito sa cyber attack,” pahayag ni Caintic.

Isa pa aniyang papel ng DICT sa darating na halalan ay maghanda para sa digital signatures ng Board of Election Inspectors at Board of Canvassers. Ito ang unang eleksyon na gagamit ng digital signatures.

“Ngayong taon, ngayon eleksyon unang pagkakataon na gagamitin ang digital signature alinsunod sa Automated Election Law… It’s the first time na gagamitin ang digital signatures. DICT ang gagamitin, sistema ng DICT,” sabi niya.

“Tuloy-tuloy ang ating technical assistance sa Comelec kung may kailangan sila, lalung lalo na sa pag-protect using the cybersecurity tools that we have,” patuloy ni Caintic. RNT/SA