Halos 1.5M Moderna doses dumating sa bansa

Halos 1.5M Moderna doses dumating sa bansa

December 7, 2021 @ 9:48 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ng National Task Force Against Covid-19 (NTF) nitong Lunes ang mga hindi pa nababakunahan laban sa coronavirus disease (COVID-19) na magpabakuna na, dahil nito lamang Lunes ay dumating na sa Pilipinas ang 1,497,200 doses ng Moderna vaccine.

“Tayo po ay muling nanawagan sa ating mga kababayan, lalo na po ngayon na meron threat ng Omicron variant, na magpabakuna na kayo. Meron na po tayong steady supply ng vaccine,” pahayag ni Assistant Secretary Wilben Mayor, pinuno ng NTF strategic communications sub-task group on current operations, sa panayam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Parañaque City.

Sinabi ni Mayor na sa pagdating ng Moderna vaccines sa bansa ay umabot na sa mahigit 147 milyon ang dumarating na bakuna sa Pilipinas.

Aniya, mahigit 38 milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Isa ang sa dalawang vaccine brands na ginagamit sa bansa sa pagbabakuna sa mga menor maging bilang booster shots para sa healthcare workers.

Pinasalamatan naman niya ang pamahalaan ng Estados Unidos sa pangangasiwa sa pagbili ng Moderna vaccines.

Sinabi ni Nina Lewis ng US Embassy na magkatuwang ang Estados Unidos at Pilipinas sa pampublikong kalusugan sa loob ng matagal na panahon.

Lunes ng gabi naman nang dumating sa bansa ang 1,085,760 doses ng Pfizer COVID-19 vaccines. RNT/SA