Halos 100 apektado sa leptospirosis

Halos 100 apektado sa leptospirosis

June 28, 2018 @ 2:40 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Anim kataong may leptospirosis, kasama ang isang bata, ang namatay ngayong linggong ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Ayon kay Dr Luis Limchiu,  chairman ng Adult Nephrology Department, June 22 pa tumatanggap ang kanilang ospital ng pasyenteng may leptospirosis at umabot na sa 52 ang bilang nito sa kasalukuyan.

Sa dami ng pasyente, napilitan umano ang NKTI na magkaroon ng leptospirosis ward.

Kumpara noong isang taon, mas marami umano ngayon ang nagkaroon ng ganitong sakit.

Sa kabuuan umano ng 2017 ay halos 40 lamang ang nabiktima ng leptospirosis gayong isang linggo pa lamang ngayong 2018 ay 52 na.

Ani Limchiu, hindi naman kailangang mag-panic, dahil inaasahan nila ito ngayong tag-ulan.

Posible umanong madagdagan pa ito dahil makikita lamang ang epekto ng sakit 7 hanggang 10 araw matapos mahawa ng leptospirosis.

Sa mga namatay na, ang naging sanhi ng pagpanaw na nakatala sa sa NKTI, ang naging cause of death umano ay “pulmonary complications”  o paghina at pagdurugo ng baga.

Ani Limchiu, mas madaling mamatay ang mga mahihina ang resistensya samantalang malaki ang posibilidad na makaligtas kung malakas ang pangangatawan.

Tinatanggap umano ng NKTI ang mga pinakagrabeng kaso ng leptospirosis na karamihan ay mga referral mula sa maliliit na ospital na hindi kayang mag-dialysis. (Nenet L. Villafania)