Halos 100 magsasaka, land reform advocates inaresto sa Tarlac

Halos 100 magsasaka, land reform advocates inaresto sa Tarlac

June 10, 2022 @ 6:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Halos 100 magsasakay at land reform advocates ang inaresto sa Concepcion, Tarlac nitong Huwebes.

Sinabi ng Altermidya, isang progresibong media network, na ang mga naaresto ay nagsagawa ng “bungkalan” o collective farming activity sa lugar, subalit ayon sa mga pulis ay inaresto sila dahil sa “malicious mischief and obstruction of justice.”

Ayon pa sa Altermidya, ang mga naaresto ay agrarian reform beneficiaries ng Hacienda Tinang at iba pang farmer advocate groups, na kinabibilangan ng mga artist, campus journalists, at mga estudyante.

Kabilang sa mga nahuli sina Felino Cunanan, 63; Chino Cunanan, 34; Abigail Bucad, 36; Sonny Dimarucut, 45; Sonny Magcalas, 58; at Pia Montalban, 39; Alvin Dimarucut, 36 at iba pang mga residente at land reform supporters.

Ayon sa mga imbestigador, gumamit umano ang mga residente ng Tarlac ng rotovator at dinemolish ang taniman ng tubo na pagmamay-ari ng Agriculture Cooperative sa Barangay Tinang bandang alas-9 ng umaga nitong Huwebes.

Sinubukan namang pahupain ng mga pulis ng Concepcion Municipal Police Station, Special Action Force, 1st and 2nd Provincial Mobile Force Company, Tarlac Police Provincial Office Intelligence Branch, Regional Mobile Force Battalion; maging ng Philippine Army 3rd Mechanized Infantry Battalion, Naval Intelligence and Security Group-Northern Luzon; ang sitwasyon.

Subalit naging “unruly and tried to obstruct the law enforcers from performing their official duties” umano ang mga ito.

Samantala, ilang progresibong grupo at indibidwal naman ang nanawagan ng hustisya at ipinakalat sa social media sites ang mga larawan at video ng pangyayari. RNT/SA