Halos 1,500 HIV cases sa Pinas, naitala noong Enero

Halos 1,500 HIV cases sa Pinas, naitala noong Enero

March 13, 2023 @ 9:14 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Halos 1,500 kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala noong Enero, sabi ng DOH.

Dahil sa impeksyon sa HIV, 39 na pagkamatay ang naitala noong Enero.

Sinabi ng DOH na ang sexual contact ay ang pinakakaraniwang paraan ng transmission na may 1,431 kaso.

Anim na indibidwal ang nagkaroon ng impeksyon sa HIV sa pamamagitan ng mother-to-child transmission at tatlong kaso sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga nahawaang karayom.

Mayroong 14 na kaso na walang data sa paraan ng trabsmission.

Sinabi pa ng ahensya na ang mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng bagong kaso ay mula National Capital Region (397), Calabarzon (233), Central Luzon (194), Central Visayas (94), at Western Visayas (91).

“These regions comprised 69 percent of the total number of cases in this period,” anang DOH.

Samantala sa mga bata at kabataan, sa kabuuang HIV infection noong Enero, 86 kaso ay edad 19 pababa.

Sa 86, sinabi ng DOH na 79 kaso ang kabataan na edad 10 hanggang 19 habang pitong kaso ang mga bata na edad 10 pababa.

Sa pamamagitan din ng pakikipagtalik ang halos lahat ng 78 na naiulat na kaso sa kabataan. Ang ibang kaso ay walang data sa paraan ng transmisyon.

Ang anim naman sa mga bata na may edad dalawa hanggang siyam ang nakakuha ng HIV sa pamamagitan ng vertical transmission o mother-to-child, habang ang isang kaso ay walang datos ng mode of transmission.

Naiulat ang unang kaso ng HIV infection sa bansa noong Enero 1984. Simula noon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng kabuuang 110,736 na kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden