Halos 18M stude naka-enrol na para sa SY 2022-2023 – DepEd

Halos 18M stude naka-enrol na para sa SY 2022-2023 – DepEd

August 10, 2022 @ 9:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Halos 18 milyong estudyante ang naka-enroll na dalawang linggo bago umarangkada ang School Year 2022–2023, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Martes.

Inihayag ng DepEd na may kabuuang 17,900,833 mag-aaral ang nakapagparehistro na para sa darating na school year nang magsimula ang enrollment period noong Hulyo 25.

Ang pinakamataas na bilang ng enrollees ay naitala sa Region IV-A na may 2,604,227; Region III na may 2,046,017; at Metro Manila na may 2,020,134.

Batay sa datos mula sa Learner Information System ng DepEd,  makikita na 8,235,937 ang elementary students; 5,789,747 ang junior high school students; 2,689,137 ang senior high school students; at 1,186,012 ang nasa kindergarten level.

Nagpaalala naman ang Education Department sa publiko na ang huling araw ng enrollment way sa Agosto 22, alinsunod sa DepEd Order 35.

Pwedeng mag-enroll ang mga estudyante nang personal, o sa drop box forms. Pinapayagan din ang Alternative Learning System (ALS) learners na mag-enroll ng personal o online.

Hinikayat din ng DepEd ang publiko na patuloy na sumunod sa minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nauna nang ianunsyo ng DepEd na magsisimula ang klase sa basic education sa Agosto 22 at matatapos sa Hulyo 7, 2023.

Hanggang Oktubre, papayagan ang blended learning schedules at pagsapit ng Nobyembre 2, ikakasa na sa lahat ng public at private schools sa bansa ang limang araw na in-person classes. RNT/SA