Halos 2.4M scam text araw-araw naitatala ng Globe

Halos 2.4M scam text araw-araw naitatala ng Globe

October 24, 2022 @ 7:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Globe Telecom Inc. nitong Lunes, Oktubre 24 na nakapag-block na sila ng mahigit 30-milyon scam at spam text messages na may clickable link sa loob lamang ng dalawang linggo.

Tugon ito sa panawagan ng pamahalaan na maglabas ng abiso at babala ang mga telecommunications company sa mga ganitong gawain.

Ayon sa Globe, mahigit 32.2 milyon na scam messages na ang kanilang natanggap mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 13 na nagrerepresenta ng daily average na 2.4 milyon na SMS.

“The amount of text messages with clickable links we blocked within just about two weeks shows the staggering number of spam and scam SMS that disrupt and threaten customers every day,” pahayag ni Globe chief information security officer Anton Bonifacio.

“This is empirical proof that our security measure was warranted,” dagdag pa.

Gumastos naman ang kompanya ng halos P1.1 bilyon para sa pagpapalakas ng sistema nila laban sa spam at scam text messages samantala nakatutok naman sa lahat ng oras ang kanilang Security Operations Center.

Matatandaan noong Setyembre 13 ay ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telco na i-block ang mga text messages na naglalaman ng mga clickable links.

Nagpaalala naman ang Globe sa publiko na maging maingat sa mga natatanggap na text messages o maging tawag upang makaiwas na mabiktima ng mga manloloko.

“We reiterate our call on our customers to remain vigilant as fraudsters will continue to find ways to circumvent measures that aim to thwart them. Do not engage with SMS from anonymous sources making enticing offers,” ani Bonifacio. RNT/JGC