Halos 20K deboto, nakibahagi sa prusisyon ng Nuestra Señora de Sto. Niño sa Pasay

Halos 20K deboto, nakibahagi sa prusisyon ng Nuestra Señora de Sto. Niño sa Pasay

January 30, 2023 @ 7:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naging matagumpay ang kauna-unahang pagsasagawa ng parada ng “Nuestra Señora de Sto. Niño 2023” sa Pasay makaraang lumahok at makibahagi ang mahigit 20,000 deboto sa naturang okasyon.

(Mga larawan kuha ni Cesar Morales)

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagsimulang lumarga ang parada dakong alas-3 ng hapon (Enero 29) sa Pasay City Hall grounds kung saan mahigit 300 imahe ng iba’t-ibang uri ng Sto. Niño ang ipinarada lulan ng 90 karosa.

“Answered prayer ito para sa akin dahil matagal ko nang gustong ma-involve sa ganitong uri ng okasyon na may kaugnayan kay Sto. Niño na maituturing kong isang blessing,” ani Calixto-Rubiano.

Ayon kay Calixto-Rubiano, sa kabuuang 600 personnel na itinalaga para sa kaayusan ng parada ay nasa 160 tauhan ng lokal na kapulisan na pinamunuan ni police chief P/Col. Froilan Uy ang nai-deploy para sa pananatili ng peace and order habang ang iba naman ay nanggaling sa iba’t ibang mga departamento sa lungsod na kinabibilangan ng Public Order and Safety Unit (POSU), City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at ng Traffic and Parking Management Office (TPMO).

Sinabi ni Calixto-Rubiano na sa matagumpay na pagsasagawa ng prusisyon o parada kaugnay sa selebrasyon ng pista ng Sto. Niño ngayong taon ay umaasa siya na mas madadagdagan pa ang mga lalahok sa parada ng Batang Hesus sa susunod na taon.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na nagtapos ang parada ng iba’t ibang uri ng mga imahe ng Sto. Niño sa Ipil-Ipil open grounds sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex na inabot ng hanggang alas-7 ng gabi. James I. Catapusan