Halos 2K tenggang balikbayan box nahatid na ng BOC

Halos 2K tenggang balikbayan box nahatid na ng BOC

November 9, 2022 @ 10:10 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – NASA 1,996 mga inabandonang balikbayan box na ang naipamahagi na ng Bureau of Customs (BOC) sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) mula nitong Hulyo.

Sa bilang na ito, 1,667 ang idineliber habang nasa 329 na kahon ang kinuha ng mga consignee sa itinalagang bodega ng nasabing ahensiya.

Ang 30 natitirang mga kahon ay nananatiling hindi naihatid dahil sa hindi kumpletong impormasyon, walang kumpirmasyon o walang tugon na natanggap mula sa mga tatanggap o nagpapadala

Prinoseso din ng BOC ang 1,154 balikbayan boxes na naka-consign sa Island Kabayan Express, 329 dito ay kinuha ng mga recipients sa Portnet Logistics Warehouse sa Sta. Ana, Maynila.

Kasunod nito, inendorso ng BOC ang natitirang 825 na kahon sa Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) para sa agarang paghahatid.

Sa ngayon, 217 parcels na ang naihatid, 310 ang out for delivery, at 210 ay para sa dispatch.

Ang 16 container na may 4,625 balikbayan boxes na naka-consign sa Win Balikbayan Cargo LLC (All Win) ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Association of Bidders sa Bureau of Customs (ABBC) sa Hobart Warehouse sa Balagtas, Bulacan.

Ilang kahon na ang naipamahagi at personal na kinuha ng mga consignee mula sa bodega sa Bulacan. Plano ng BOC na ihatid ang mga natitira pang hindi na-claim na package, partikular na ang mga papunta sa Visayas at Mindanao.

Pinalawig din ng BOC ang pagkuha ng mga kahon sa Hobart Warehouse ng dalawa pang linggo sa kahilingan na din ng mga consignee.

Ang iskedyul ng pagpick-up ay iaanunsyo sa sandaling makumpleto ng ABBC ang imbentaryo ng mga balikbayan box sa Nob. 9.

Sa ginanap na pagpupulong ng BOC at ABBC nitong Lunes, iminungkahi ng BOC ang paglikha ng joint team na magpapatupad ng sistema para sa mahusay at mabilis na pagpapalabas at paghahatid ng mga balikbayan boxes.

Nagbabala naman ang pamunuan ng BOC sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na maging mapagbantay laban sa mga kahina-hinalang freight forwarder na patuloy na bumibiktima sa mga OFW. JAY Reyes