Halos 2M Pinoy naserbisyuhan ng #LibrengSakay ng MRT-3

Halos 2M Pinoy naserbisyuhan ng #LibrengSakay ng MRT-3

April 6, 2022 @ 9:34 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagsakay na ng 1,934,424 milyong pasahero ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3)  sa unang linggo ng isang buwang libreng sakay na nagsimula noong Marso 28,2022, ayon sa pamunuan ng tren.

Sinabi ni Michael Capati, officer-in-charge ng  MRT-3 at director for operations, na ang pinakamataas na ridership ay naitala noong Abril 1 kung saan may kabuuang 309,225 na pasahero ang naihatid.

“Naging proactive po tayo sa pagte-test ng ating mga tren sa four-car configuration, ganun din sa ating Dalian trains, in anticipation of the return to normal scenario,” ani Capati sa isang pahayag.

Dagdag pa ni Capati, naging posible ang sabay-sabay at kayang magpatakbo ng hanggang 22 trains sets sa panahon ng  peak hours kasama na ang dalawang four-car CKD  train sets at isang Dalian train set dahil sa tagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3, at ng patuloy na maaayos na pagmimintina ng  upgraded subsystems, kasama ang tracks, signaling, power, rolling stock, at mga pasilidad .

Nag-deploy din ito ng set ng tren ng Dalian, na tumulong sa pagpapalaki ng kapasidad ng linya ng riles, na nagpapahintulot dito na makapagsilbi ng mas maraming pasahero.

Bawat train car ay parehong  CKD at Dalian trains na kayang magsakay ng 394 pasahero ayon sa pamunuan ng MRT-3 .

Ang isang CKD o Dalian na train set sa  three-car  configuration ay maaaring magkarga ng hanggang 1,182 na pasahero, habang ang isang CKD at Dalian na tren na nakatakda sa four-car configuration  ay maaaring magdala ng hanggang 1,576 na pasahero.

Maaaring mapakinabangan ng mga pasahero ang libreng sakay hanggang Abril 30, 2022, anumang oras sa pagitan ng mga oras ng operasyon ng MRT-3 mula 4:40 ng umaga  hanggang 10:10 ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden