Halos 3.7M AstraZeneca jabs, lusot na sa customs

Halos 3.7M AstraZeneca jabs, lusot na sa customs

July 9, 2021 @ 5:39 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Tinatayang nasa kabuuang 3,680,100 doses na ng AstraZeneca Covid-19 vaccine ang na-“cleared” na ng Bureau of Customs (BOC-NAIA) makaraang dumating kahapon ang ika-apat na batch ng nasabing covid vaccine sakay ng All Nippon airlines.

Ang 1,124,100 dose ng nasabing covid vaccine na nagmula sa Pamahalaan ng Japan, na naka-consigned sa Department of Health (DOH), ay dumating sa bansa sa pamamagitan ng Flight No. NH819 sa Villamor Air Base sa Pasay City bandang alas-9 ng gabi.

Ang pagdating ng nasabing bakuna ay nasaksihan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kasama ang mga opisyal mula sa Embahada ng Japan sa Pilipinas, National Task Force (NTF) against COVID-19 at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Matatandaan na ang AstraZeneca ay ang pangalawang bakuna kontra COVID-19 na na-import sa bansa, kasunod ng unang pagdating ng bakuna ng COVID-19 sa Pilipinas noong Pebrero 28, 2021.

Kasalukuyan, ito na ang ika-apat na batch ng AstraZeneca Covid-19 vaccine mula nang pangatlong tranche nito noong Mayo 08, 2021, at ang ika-26 na batch ng mga bakunang Covid-19 na na-clear ng Bureau of Customs.

“For the first half of 2021, the Bureau of Customs, under the leadership of Commissioner Rey Leonardo Guerrero, has cleared 12 million doses of Sinovac, 2.556 million doses of AstraZeneca, 2,478,060 doses of Pfizer, 249,600 doses of Moderna, and 180,000 doses of Sputnik V,” saad ng BOC.  Jay Reyes