Halos 300 badjao iniligtas ng MDSW, MPD

Halos 300 badjao iniligtas ng MDSW, MPD

November 13, 2022 @ 2:58 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nailigtas ng pinagsanib na pwersa ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) at Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 ang halos 300 mga Badjao o “Indigenous People” sa isinagawang operasyon Sabado ng gabi sa Tondo, Manila.

Nabatid kay MDSW Director Ascuncion “Re” Fugoso na isinagawa ang operasyong “Oplan Sagip Kalinga ng Ina ng Maynila” makaraang makatanggap sila ng reklamo na kanyang ipinadala sa tanggapan ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay, Jr, commander ng MPD Station-1, hinggil sa pagdagsa ng mga Badjao na bumabalik sa lungsod sa tuwing magpa-Pasko upang mamalimos sa mga pangunahing lansangan, kung saan ang iba ay ginagamit pa ang karga nilang sanggol.

Sa isinagawang rescue operation, natuklasan nina Director Fugoso at Col. Ibay na kinukupkop ng ilang mga residente ng Barangay 123 ang mga Badjao kapalit ng sinisingil na P50.00 kada ulo isang araw.

Ayon kay Col. Ibay, kumikita ang mga residenteng naniningil ng upa sa pananatili nila sa lugar, ng tinatayang P450,000.00 kada isang buwan.

Sa gitna ng pagsagip sa mga Badjao, natuklasan ng MDSW at pulisya ang napakadugyot na kondisyon sa naturang lugar na inuupahan ng mga Badjao dahil kahit saan na lamang ay itinapon nila ang kanilang mga dumi na panganib din sa kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.

Nilinaw ng MDSW na hindi nila isinasailalim sa diskriminasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga Badjao subalit dahil sa nilalabag nila ang umiiral na Ordinansa ng lungsod at maging ng Pambansang Batas na nagpaparusa sa mga magbibigay at tumatanggap ng limos, kinakailangan lamang na iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang mga lalawigan.

Ayon kay Col. Ibay, dinala nila ang mga nailigtas na Badjao sa Delpan Complex sa Binondo upang alamin ang kanilang pinanggalingang lugar, suriin at isailalim sa antigen test bago sila mapabilang sa “Oplan Balik-Probinsiya Program”.

Idinugtong pa ng opisyal na hindi na sila nagsagawa ng pagdakip sa mga residenteng kumalinga at kumupkop sa mga Badjao kapalit ng paniningil ng salapi matapos mangakong hindi na nila uulitin pang kupkupin ang mga namamalimos sa kalsada na hinihinalang ginagamit lamang ng sindikato. JAY Reyes