Halos 300 pamilya nasunugan sa Valenzuela

Halos 300 pamilya nasunugan sa Valenzuela

March 14, 2022 @ 3:39 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Halos 300 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang naganap na sunog sa isang residential area sa Valenzuela City, Linggo ng madaling araw.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-4:20 ng madaling araw ng biglang sumiklab ang sunog sa residential area sa Sagip St., Brgy. Arkong Bato.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kabahayan kaya’t agad inakyat ang sunog sa ikalawang alarma kung saan i-deneklara ng BFP na fire under control dakong alas-7:04 ng umaga.

Bandang alas-2:04 naman ng hapon nang ideklarang fire out ang sunog habang wala naman napaulat na nasaktan o nasawi sa inidente habang inaalam nan g BFP kung magkano ang naging pinsala at ano ang pinagmulan ng sunog.

Kaagad namang nagpadala si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ng rescue teams, social workers at medical teams sa nasabing lugar upang tulungan ang mga apektadong residente.

Mabilis rin ipinagutos ng Pamahalaang Lungsod na magtayo ng modular tents, mobile showers, mobile kitchens at pansamantalang tirahan ng mga alagang hayop sa mga evacuation sites sa Arkong Bato National High School at PR San Diego Elementary School kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga biktima ng sunog.

Namahagi rin si Mayor Rex ng family comfort packs, hygiene kits, food packs at magbibigay din ng financial assistance ang pamahalaang lungsod sa mga susunod na araw.

Inilatag naman ni Mayor Rex, Vice Mayor Lorie at mga konsehal ang long-term solution na gagawin ng pamahalaang lungsod kung saan isasaayos ang subdivision plan ng Sagip St., at sisiguruhing may maayos itong daanan para sa mga tao at sasakyan. R.A Marquez