Halos 30K pamilya apektado kay ‘Neneng’ – NDRRMC

Halos 30K pamilya apektado kay ‘Neneng’ – NDRRMC

October 18, 2022 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa 29,544 pamilya o 103,662 indibidwal ang bilang ng mga apektado sa pananalasa ni bagyong Neneng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Naninirahan ang mga apektadong pamilya sa 331 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa kasalukuya, nanunuluyan sa 71 evacuation centers ang 601 pamilya o 1,865 indibidwal habang ang iba ay nakauwi na sa kanilang bahay o nakikitira sa kaanak o kaibigan.

Bineberipika pa ang ulat ng dalawang sugatan sa Cagayan Valley. Wala namang naiulat na nasawi o nawawala dahil sa sakuna.

Umabot naman sa 38 bahay ang napinsala ni  Neneng sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR.

Kabilang dito ang 36 partially damaged houses at dalawang totally damaged houses.

Tinatayang aabot sa P7.6 milyon ang pinsala sa agrikultura, kabilang ang 503.57 ektarya ng lupang taniman na natukoy na partially damaged sa Ilocos Region.

Samantala, sumampa ang infrastructure damage sa P81.5 milyon sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR. RNT/SA