Halos 4K displaced sugarcane workers, aasistihan ng DOLE

Halos 4K displaced sugarcane workers, aasistihan ng DOLE

March 3, 2023 @ 9:06 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Makikinabang ang humigit-kumulang 4,000 displaced sugarcane field workers sa Calabarzon sa mahigit P79 milyong halaga ng livelihood assistance at emergency employment na ibibigay ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang mga manggagawa ay mula sa Central Azucarera Don Pedro, Inc. (CADPI) Sugar Mill, isa sa pinakamalaking raw sugar producers sa Luzon.

Ikinasa ng kompanya ang permanenteng pagsasara matapos makaranas ng mga hamon sa pagpapatakbo at pananalapi sa loob ng kasalukuyang mga kondisyon na nakaaapekto sa industriya ng asukal sa Batangas area.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, tiniyak ni DOLE 4-A (Calabarzon) Director Ma. Karina Perida-Trayvilla na mabibigyan ang mga manggagawa ng nararapat na interbensyon sa pamamagitan ng mga kasalukuyang programa ng departamento.

Ayon kay Perida-Trayvilla, sila ay naghahanda na magbigay ng sustainable livelihood assistance pagkatapos magsagawa ng dayalogo sa mga apektadong manggagawa para mapabuti ang paggamit ng pondo.

“Labor Secretary Bienvenido Laguesma approved releasing more than PHP79 million to cover the affected workers for implementing Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) and Livelihood Programs,” anang opisyal.

Sa displaced workers, mabebenepisyuhan ang 1,252 mula sa TUPAD Program na nagkakahalaga ng P5.8 milyong halaga ng sahod.

Bilang paghahanda para sa implementasyon, sumailalim na sa orientation ang displaced sugarcane workers sa basic safety and health and at iba pang TUPAD implementation guidelines at procedures.

Sa kabilang banda, nangako si Bureau of Workers with Special Concerns Director Ahmma Charisma Lobrin-Satumba na pabibilisin ang pag-apruba ng emergency employment at livelihood assistance para sa apektadong manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden