Halos 4K OFWs nakakulong sa abroad – Tulfo

Halos 4K OFWs nakakulong sa abroad – Tulfo

August 18, 2022 @ 5:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 4,000 o 3, 827 ang eksaktong bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nakakulong sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sanhi ng ilang opensa na lubhang nangangailangan ng proteksiyon at suporta mula sa pamahalaan, ayon kay Senador Raffy Tulfo.

Sa kanyang unang privilege speech sa plenary session ng Senado nitong Miyerkoles sinabi ni Tulfo na bagama’t mayroong mga ginawang hakbang ang gobyerno para matigil ang pang-aabuso sa OFWs, sinabi niya na ito ay hindi sapat.

“I have fought against the abuses our OFWs have faced for my whole career of twenty years. I am proud that our OFWs have seen me as safe harbor whenever they were desperate to send their family members home. But, admittedly, my solutions were only symptomatic treatment to a systematic problem,” saad niya

Bilang chairman ng nasabing committee, itutuon niya ang pansin sa paggawa ng mga batas na tutulong sa mga embahadang i-monitor ang OFWs at maiwasan ang mga pang-aabuso,

Nasa 3,827 OFWs na nakakulong sa 52 bansa, sabi ng senador.

“Ang una ko pong gagawin ay kung ano na po ang status nitong mga kababayan natin na nasa piitan sa iba’t ibang kulungan ng mundo. I will find out kung sila ay nabibigyan ng legal assistance? Ano na po sitwasyon nila? Ano na nabigay na assistance sa kanilang pamilya?” ani Tulfo.

Marami umanong mga OFW ang patuloy na minamaltrato ng kanilang mga banyagang employer at nangangailangan ng tulong.

“Hinding hindi ko masikmura makakita ng anak na umiiyak sa kaniyang nawalang nanay. Isang ama na napilitang mamalimos para mabayaran ang lamay ng kaniyang anak. At hinding hindi na natin puwede hayaan na mayroong mga kamag-anak na magugulat na lamang na ang nagpapadala sa kanila ng kanilang balikbayan box ay kanilang susunduin sa airport na nakakahon,” ani Tulfo.

Habang naghihintay naman aniya ng repatriation ang mga OFW, kumakain at natutulog sila na parang hayop dahil kapos din sa pondo ang mga embahada.

Sa pagpirma aniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11641 o Department of Migrant Workers Act, nagkaroon ng pag-asa na masolusyunan ang mga problema ng OFWs.

“The birth of the Department of Migrant Workers is the rebirth of hope that we may yet fix the system and improve our means to be proactive in the defense of our OFWs. And I am more than elated when I was given the honor to be the first chairman of the senate committee on migrant workers,” sabi ni Tulfo.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang bilang ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa mula Abril hanggang Setyembre 2020 ay tinatayang nasa 1.77 milyon.

Sa pagbuo ng DMW ng Committee on Migrant Workers, iginiit ni Tulfo na tututukan nila ang paghahain ng batas na magbibigay-daan sa mga embahada sa ibang bansa na subaybayan ang mga OFWs nang matiyak na maiiwasan na agad ang pang-aabuso sa kanila bago pa man ito magsimula.

“We, standing as one, have the opportunity to pass laws that would authorize our embassies abroad to institute offices dedicated solely to the vetting of prospective employers and the enforcement of the laws that are meant to protect our OFWs,” saad niya.

“Magkakaroon po tayo ng paraan na mapigilan ang panghahalay sa unang pagkakataon na makita nating maaari itong mangyari. Magkakaroon po tayo ng paraan na mas mabilis masundo ang ating OFW na pinagbabantaan na saktan ng kanyang amo.

“At magkakaroon po tayo ng paraan para mabigyan ng nararapat na representasyon ang ating OFW na may kaso laban sa kanyang amo upang maramdaman niya ang suporta ng inang bayan kahit na sa lupa ng banyaga,” dagdag niya. Ernie Reyes