Halos 500 katao inilikas sa pag-alburuto ng Bulkang Bulusan

Halos 500 katao inilikas sa pag-alburuto ng Bulkang Bulusan

June 13, 2022 @ 9:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 145 pamilya o 469 katao ang bilang ng mga lumikas mula sa bayan ng Juban sa lalawigan ng Sorsogon noong Linggo ng hapon sa gitna ng muling pag-alburuto ng Bulkang Bulusan.

Sinabi ni Arian Aguallo, information officer ng municipal disaster risk reduction and management office, na ang mga residenteng ito mula sa Barangay Puting Sapa ay inilikas sa Juban Evacuation Center, gymnasium ng bayan at Tughan Evacuation Center.

Karamihan sa kanila ay inilikas noong Biyernes, Hunyo 10, matapos ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang pre-emptive evacuation.

Sa press briefing, sinabi ni outgoing Sorsogon governor at Senator-elect Francis ‘Chiz’ Escudero na 2,877 pamilya o 11,374 katao ang naapektuhan ng ashfall sa bayan ng Juban.

Aniya, bukod sa Juban, umabot din ang ash fall sa mga bayan ng Casiguran, Magallanes, Castilla, Pilar at Sorsogon City sa lalawigan ng Sorsogon.

May namataan din na bakas ng abo ang ilang barangay sa Legazpi City sa Albay.

Muling nagbuga ng abo ang bulkan bandang 3:37 am ng linggo.

Sinabi ng Phivolcs na ang pagsabog ay naramdaman sa Intensity III ng mga residente ng Barangay Añog sa Juban at sa Intensity II sa Barangay Inlagadian sa Casiguran, lahat ay nasa loob ng 5-kilometro ng Bulusan summit.

Nanantiling nakataas ang alert level 1 sa Bulusan. RNT