Halos 500 pamilya hagip ni bagyong Henry

Halos 500 pamilya hagip ni bagyong Henry

September 5, 2022 @ 10:42 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – May kabuuang 1,491 indibidwal o 494 na pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Henry, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.

Sa ulat nitong alas-8 ng umaga, sinabi ng NDDRMC na ang apektadong populasyon ay mula sa 16 na barangay sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, at Cordillera.

“Ang napuruhan talaga ay ‘yung ating nasa Region 2, ‘yung Batanes, ‘yung parts of Cagayan. Pero we can say na very minor ang effect nito sa kanila,” ani NDRRMC spokesperson Assistant Secretary Bernardo Alejandro IV sa interbyu sa GMA.

May kabuuang 140 na mga taong lumikas o 32 pamilya ang nananatili sa labas ng mga evacuation center, habang 13 indibidwal o tatlong pamilya ang sumilong sa mga evacuation center.

Pitong kalsada at isang tulay sa Ilocos at Cordillera ang hindi pa rin madaanan.

12 munisipalidad ang nawalan ng kuryente sa kasagsagan ng bagyo pero naibalik na ito.

May kabuuang 27 lungsod at munisipalidad ang nagsuspinde ng klase, at siyam ang nakanselang iskedyul ng trabaho dahil sa banta ng bagyo sa Ilocos, Cagayan, at Cordillera.

Isa ang naiulat na nasawi kay Henry, pero bineberipika pa ito ng NDRRMC. RNT