Halos 600 MMDA personnel ipakakalat sa balik-eskwela

Halos 600 MMDA personnel ipakakalat sa balik-eskwela

August 12, 2022 @ 11:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 581 tauhan sa mga kalsada na malapit sa mga pampublikong paaralan.

Ito ay bilang suporta ng ahensya sa seguridad at trapiko sa napipintong pagbubukas ng pasukan at pagbabalik ng face-to-face classes, sinabi ng isang opisyal noong Biyernes.

Sa interbyu sa GMA, sinabi MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija na nakipag-ugnayan na ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng mga klase.

“We will be manning schools, 581 po ang itatalaga namin doon mismo sa eskuwelahan, 146 public schools in Metro Manila, nakatalaga po yan doon. Aside from that, we will be manning the intersections, pedestrian lanes…,” pagsisiguro ni Nebrija.

Nauna nang nagsagawa ang MMDA ng misting, fogging, at clearing operations sa paligid ng mga paaralan bilang bahagi ng paghahanda sa face-to-face classes.

Sa Agosto 22 na itinakda ng Department of Education ang pagbubukas ng klase.

Samantala, nagbabala si Nebrija na hindi muna sila manghuhuli ng mga motoristang lalabag sa expanded number coding scheme sa Metro Manila sa unang dalawang araw ng pagpapatupad nito.

“Hindi naman huli agad. We will take the first two days siguro to inform the public. Siyempre hindi sanay na may number coding sa umaga. Ipapakilala namin ito nang dahan-dahan sa pampublikong impormasyon…” aniya.

Ang expanded number coding scheme sa Metro Manila ay inaprubahan ng MMDA at sisimulan nang ipatupad sa Agosto 15 mula 7 a.m. hanggang 10 a.m., at mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. RNT