Halos 65% ng seniors, 2.7M minors edad 12-17 fully vaxxed na vs COVID

Halos 65% ng seniors, 2.7M minors edad 12-17 fully vaxxed na vs COVID

December 16, 2021 @ 2:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Halos 65 porsyento na ng senior citizens at aabot na sa kwarter ng mga menor sa bansa ang fully vaccinated na laban sa coronavirus disease (COVID-19), ayon sa health department nitong Huwebes, kasabay ng paghikayat nito sa lahat ng eligible members ng tahanan na magpabakuna na laban sa banta ng Omicron variant. 

Naiulat ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje 75 porsyento o anim na milyon sa walong milyong senior citizens, ang nabakunahan na ng kahit isang vaccine dose. Aniya, halos 65 porsyento na ang fully vaccinated.

“Maganda ang turnout sa mga gustong magpa-booster na senior citizen. Kailangan lang talaga pag-ibayuhin pa ang ating pagsisikap na mabakunahan iyong rest ng ating senior citizen,” aniya sa isang public briefing. 

samantala , nasa 62 porsyento naman ng mga edad 12 hanggang 17 ang nabakunahan na ng first dose ng COVID-19 shot. Nasa 24 porsyento o 2.7 milyon naman ang kumpleto na ng dalawang doses ng Pfizer o Moderna vaccine, ayon kay Cabotaje. 

“Alam naman natin that vaccination offers another layer of protection. Nagpapababa siya ng ating tinatawag na the infection rates… Mas less ang tiyansa na makapasok sa mga bahay-bahay,” paalala niya.

“Ang omicron po ay mas household ang target,” babala ni Cabotaje. 

Aniya, batay sa mga pag-aaral, 19 porsyento ng mga tahanan ang apektado ng Omicron, kumpara sa Delta na tumama sa 8.5 porsyento ng mga tahanan.

“Importanteng lahat po sa household ay nabakunahan,” giit niya. RNT/SA