Halos 6K estudyante, bibigyan ng P3K ayuda sa Pasay

Halos 6K estudyante, bibigyan ng P3K ayuda sa Pasay

June 1, 2021 @ 10:23 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Itinakda ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang distribusyon ng P3,000 financial assistance sa 5,745 estudyante na nag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan simula ngayong araw (Hunyo 1) hanggang Hunyo 4.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang 5,745 estudyante ay ilan lamang sa 60,000 public school students na ang bawat isa ay mapagkakalooban ng P3,000 na nagco-cover para sa panahon ng Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon na 2020.

Sa nabanggit na bilang ay 4,401 estudyante ng Timoteo Paez elementary School (TPES) ang mga benepisyaryo ng nabanggit na ayuda habang ang natitirang 1,344 ay mga estudyante naman na manggagaling sa Apelo Cruz Elementary School (ACES) na nakatakdang ipamahagi ngayong araw hanggang bukas (Hunyo 2).

Pinayuhan din ni Calixto-Rubiano ang mga estudyanteng benepisyaryo ng TPES na gaganapin ang distribusyon ng kanilang ayuda sa Pasay City East High School (PCEHS) dahil ang covered court ng kanilang paaralan ay kasalukuyang ginagamit para sa aktibidad ng pagbabakuna ng lungsod.

Sa kabuuan ay sinabi pa ni Calixto-Rubiano na nakapamahagi na ng financial assistance ang lokal na pamahalaan sa 15,456 estudyante hanggang kahapon, Mayo 31.

Pinayuhan ni Calixto-Rubiano ang mga punong-guro ng mga nabanggit na eskwelahan na makipag-ugnayan sa representante ng kanilang barangay para makapagplano ng maayos na distribusyon at masigurong masusunod ang mga precautionary measures laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Sinabi din ni Calixto-Rubiano na ang mga magulang ang tatanggap ng ayuda na ipamamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga estudyante na kailangang magpakita ng kanilang valid ID pati na rin ng ID ng kanilang mga anak habang ang ayuda naman na napapaloob sa buwan ng Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon ay inihahanda na rin ng lokal na pamahalaan. (James I. Catapusan)