Halos 8K bahay sa Polillo wasak sa bagyong Karding

Halos 8K bahay sa Polillo wasak sa bagyong Karding

October 2, 2022 @ 8:51 AM 2 months ago


POLILLO ISLAND, Quezon – Aabot na sa halos 8,000 tirahan ang nasira sa isla ng Polillo, Quezon dahil sa pananalasa ng bagyong Karding.

Naglaan naman na ang pamahalaan panlalawigan ng P30 milyon pondo mula sa quick response fund upang itulong sa mga apektadong residente.

Sa kabila nito, nanawagan pa rin si Quezon Governor Helen Tan ng dagdag-tulong na construction materials bilang pampaayos ng mga nasirang bahay ng mga residente.

Maliban sa nasirang bahay, higit 300 bangka naman ang nasira partikular na sa Barangay San Juan na tiyak makaka-apekto sa kabuhayan ng mahigit 1,000 mangingisda.

Mahigit P100 milyon halaga naman ng pinsala sa agrikultura ang naitala sa probinsya ayon sa Quezon Provincial Agriculture Office.

Matatandaan na ang Polillo Island ang unang sumalo sa bagsik ng noon ay Super Typhoon Karding bago ito tumawid sa Gitnang Luzon noong nakaraang Linggo, Setyembre 25. RNT/JGC