Halos 98% sapul ng COVID sa Pasay, gumaling

Halos 98% sapul ng COVID sa Pasay, gumaling

January 30, 2022 @ 12:25 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng mataas na 97.65 porsiyentong recovery rate sa coronavirus disease o COVID-19 nitong Sabado (Enero 29).

Base sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na sa kabuang 28,429 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay 27,760 sa mga ito ay mga gumaling na sa naturang virus.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang dobleng pagsisikap na ginagawang monitoring ng mga doctor at nurses sa lungsod para sa mabilis na recovery at paggaling ng mga pasyente ng COVID-19 sa lungsod kung kaya’t nananatili na lamang ang aktibong kaso ng virus sa bilang na 96.

Ayon pa kay Calixto-Rubiano, nagpapatuloy ang lungsod sa paghihimok ng mga residente para sa kanilang baksinasyon na magbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ay namamahagi ng mga masusustansyang pagkain kada isang linggo ang lokal na pamahalaan sa bawat pamilya ng mga pasyente ng COVID-19 na naglalaman ng isang buong frozen na manok, 2 kilong bigas, iba’t-ibang uri ng gulay, mga prutas gayundin ang mga ‘ready to eat’ na pagkain.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano, nakapamahagi na rin ang lungsod ng mga home care kits sa lahat ng mga residente na mga naka-home quarantine. James I. Catapusan