Halos kalahati ng Pinoy aminadong pobre

Halos kalahati ng Pinoy aminadong pobre

October 21, 2022 @ 11:51 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Halos kalahati o 49% ng mga pamilyang Pilipino ang kinokonsidera ang kanilang sarili na  “mahirap,” ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ang resulta ay bahagyang tumaas mula sa dating 48%.

Ayon sa SWS, nakita ang pagtaas sa Visayas, Metro Manila, at Mindanao na sinamahan ng tuluy-tuloy na porsyento sa Balance Luzon o Luzon sa labas ng Metro Manila.

Samantala, nasa 29% naman ng Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na “borderline,” na mas mababa naman sa dating 31%; habang nasa 21% ay nag-rate sa kanilang sarili na “hindi mahirap,” na walang pagbabago.

Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 2, 2022 at ito ang una sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang nakaraang survey ay isinagawa noong Hunyo 2022.

Sinusukat ng SWS ang Self-Rated Poverty (SRP) quarterly sa pamamagitan ng face-to-face survey mula noong 1992, maliban sa unang tatlong quarter ng 2020 kung kailan hindi posible ang face-to-face dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon sa panahon ng COVID-19 pandemic. RNT