Halos P300M pekeng produkto nasabat sa Maynila, Las Piñas

Halos P300M pekeng produkto nasabat sa Maynila, Las Piñas

April 26, 2022 @ 11:27 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa halos P300 milyon halaga ng mga pekeng “luxury brand items” at mga hindi rehistradong health products ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Las Pinas City.

Nabatid sa BOC, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-Manila International Container Port, at National Bureau of Investigation (NBI)-Special Action Unit sa loob ng Perpetual Village sa Las Piñas City nitong Biyernes na nagresulta sa pagkakadiskubre ng nasa higit kumulang P250 milyon halaga ng mga ismagel na mga pekeng branded na iba’t ibang produkto na kinabinilangan ng mga clothing items at mga mamahaling pabango.

Samantala, bitbit ang Letter of Authority na inisyu ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nagsagawa ng inspeksyon ang BOC-Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) katuwang ang BOC-Port of Manila (POM), National Bureau of Investigation – National Capital Region, at Armed Forces of the Philippines sa isang bodega na matatagpuan sa 1005 Ongpin Street, Santa Cruz, Manila gayundin sa unit A, B, C, at D na matatagpuan naman sa 641 Fernandez Street, Santa Cruz, Manila nitong nakaraang Martes.

Bago sinelyuhan ang nasabing bodega ay nagsagawa ng imbentaryo ang BOC sa mga produktong nangangailangan ng pagpaparehistro at mga clearance mula sa Food and Drug Administration (FDA) tulad ng mga produktong medikal at kosmetiko na may brand na Lianhua Lung Cleansing Tea, Healthy Brain Pills, Gluta Lipo, Lidan Tablets, Nin Jiom Pei Pa Koa, Vita herbs at iba pang mga produkto na may Chinese brands.

Ang mga kalakal na natagpuan sa bodega na nasa 1005 Ongpin Street ay tinatayang nasa P9,500,000, habang ang nasa 642 Fernandez Street ay nasa P22,000,000.

“In addition, further investigation is underway for other possible violations of the Customs Modernization and Tariff Act Republic Act (R.A. no. 10863), Intellectual Property Code of the Philippines (R.A. 8293), and the Food and Drug Administration Act (R.A. 9711),” saad ng BOC. JAY Reyes