Halos P4M iligal na drogang nasabat ng BOC-NAIA, itinurn-over sa PDEA

Halos P4M iligal na drogang nasabat ng BOC-NAIA, itinurn-over sa PDEA

December 15, 2022 @ 3:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nasa halos P4 milyon halaga ng iligal na droga ang itinurn-over ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang mabuking ang mga ito na nakapaloob sa apat na air parcels sa isinagawang operasyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC).

Sa isinagawang physical examination sa apat na padala ay nagresulta sa pagkakadiskubre sa 2,040 piraso ng ecstasy tablets na nakatago sa foot massager, at 317 cartridge at 14 na kendi na may cannabis oil. Ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nasabing iligal na droga ay umaabot sa P3.86 milyon.

Nabatid sa BOC na ang mga ecstasy pills ay nagmula sa France at ipinadala sa isang consignee sa Pasig City habang ang mga cartridge ay nagmula sa USA at ipinadala sa mga consignee sa Malate sa Paco, Manila, at Paranaque City.

Nasa kustodiya na ngayon ng PDEA ang mga iligal na droga para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng makasuhan ang may responsible nito dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act. JAY Reyes