Halos P50M nalikom ng Kamara tulong sa Paeng victims

Halos P50M nalikom ng Kamara tulong sa Paeng victims

November 2, 2022 @ 11:07 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa P49.2 million ang nalikom ng House of Representatives bilang donasyon sa isinasagawa nitong relief drive para sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Paeng.

Ang nasabing relief and donation drive ay pinangunahan nina House Speaker Martin Romualdez at maybahay na si House Committee on Accounts Chairperson at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez.

Agad na tumugon sa panawagan ang mga kapwa mambabatas nito na nagbigay ng donasyon na cash at mga relief goods.

Bukod sa mga kongresista ay nakiisa din ang mga kawani ng Kamara na bukod sa nagdonate ng mga lumang damit ay nanguna din sa pagrerepack ng mga donasyon na ipamamahagi sa mga biktima ng bagyo.

Kasabay nito ay nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Romualdez sa mga nagbigay ng tulong gayundin sa kanyang mga staff at mga empleyado ng Kamara na patuloy na tumutulong sa sorting at repacking ng mga relief goods para sa mga typhoon victims kahit pa man holiday.

Ilan sa mga ayuda ay naipadala na sa mga biktima ng bagyo sa Cavite at Laguna at marami pa ang ipapadala sa iba pang mga lugar sa bansa.

Siniguro ni Romualdez na gagawin ng Kamara ang tungkulin nito na makahanap ng pondo para agad na makabangon ang mga rehiyon na matinding napinsala ng bagyo. Gail Mendoza