HAMON KAY PRO2 DIRECTOR PBGEN. PERCY RUMBAOA

HAMON KAY PRO2 DIRECTOR PBGEN. PERCY RUMBAOA

February 27, 2023 @ 10:48 AM 4 weeks ago


ANG Region 2 o kilala sa tawag na Cagayan Valley ay isang lugar sa bansa na sa mahabang panahon ay tahimik hangga’t kamakailan ay ginulantang ng isang kahindik-hindik na krimen.

Ang pangyayari ay naganap noong nakaraang pebrero 19 lamang sa Sitio Kinakao, Barangay Baretbet, Bangbang sa lalawigan ng Nueva Viscaya.

Anim ang patay, kabilang si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda nang ang kanilang sinasakyang van ay pinagbabaril ng mga armadong lalaki sakay ang isang sasakyan na nagtataglay ng ‘red plate’.

Sa ulat, kasama ang lima pa, patungo si Alameda sa isang pagtitipon ng Vice Mayors League sa Maynila nang tambangan sila ng mga suspek na pawang armado ng high caliber rifles.

Ang mga lalawigan na kinabibilangan ng Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Viscaya ay sakop o nasa area of responsibility ng Police Regional Office 2 o Cagayan Valley Police Regional Office na pinamumunuan ni PBGen. Percival Rumbaoa.

Ang rehiyon na tinawag na ‘Rice Granary of the Philippines’ ay isa sa ilang lugar sa bansa na maayos dahil napapanatili ang peace and order pero “naputikan” dahil sa Viscaya ambush.

Agarang hustisya ang sigaw ng pamilya ni Alameda, ganoon din ng mga naiwang mahal sa buhay ng lima pang biktima nang karumaldumal na krimen na ito.

Ang hinihinging hustisya ng mga kaanak ng mga biktima ay nakasalalay kay Rumbaoa dahil bilang pinakamataas na opisyal ng rehiyon, tiyak na ang sisi ay mabubunton sa kaniya kapag hindi nalutas ang nasabing ambush.

Halos kasabay ng Viscaya-ambush massacre ay ang pagtambang din kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong at aides sa Maquing, Lanao del Sur noong Pebrero 17.

Balita rin ang sunod-sunod na ambush sa mga miyembro ng Philippine National Police at militar sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Napapadalas ang ambuscades sa iba’t ibang bahagi ng bansa. PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, anyare sa Pinas?

Parang walang kabuluhan ang “life is beautiful” kung puro patayan ang mangyayari sa iyong panunungkulan.