HANDA AT HANDAAN

HANDA AT HANDAAN

December 13, 2021 @ 10:31 AM 10 months ago


NAKATUTUWA naman.  Pababa nang pababa, parang  spaghetti.  Pababa na nang pababa ang kaso ng COVID cases natin sa bansa.

Mukhang magiging masaya at maganda nga ang selebrasyon natin ng Pasko.

Ayon sa mga balita, mababa na ang bilang ng nagpa-positive sa COVID-19.  Mababa na ang antas ng hawaan.  Mababa na rin ang bilang ng mga naoospital. Kaya nga lumuluwag na ang mga ospital natin. Nagsimula nang maglinis ang mga ospital at bawasan na ang COVID ward nila.

Sa kabilang banda, madami na ang nababakunahan, mas nagiging maluwag na ang kalakalan at komersyo at tumataas na ang kumpyansa ng mga negosyante at manggagawa sa ating ekonomiya.

Saludo tayo sa mga naghanda para maabot natin ang sitwasyong ito. Ang mga frontline health worker na buong giting na ginampanan ang kanilang mga tungkulin – mga doktor at nurses na nagsakripisyo para masugpo ang pandemya.

Isama na natin ang mga leader ng bansa at mga opisyal at kawani ng gobyerno.  Bagamat meron pa rin kakulangan, ang paghahanda at pagtupad sa mga plano at programa para tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao ay maganda na ang resulta.

Masaya nga ang magiging Pasko natin. Handa ka na ba?

Sa mga Katoliko, panahon na ngayon ng Adbyento.

Panahon ng paghahanda sa pag-alala sa pagsilang ng sanggol na si Kristo.

Kung naghanda ang gobyerno at mga healthworkers para sa ating pisikal na kagaligan, kelangan ding maghanda para sa ating espiritiwal na paglago.

Sana gamitin natin ang adbyento para manalangin at pagnilayan ang pag-asa, tuwa, pagmamahal at pananampalataya sa napakasayang panahon ng Kapaskuhan.

 Paalala lang sa lahat.  Sa excitement natin na magsama-sama pagkatapos ng mahabang panahon ng kwarantina, huwag kalimutan ang pag-iingat sa mga handaan na ating  gagawin.

Siguruhin na hindi kakalat ang Omicron variant sa mga salo-salo at mga reunion party natin.

Handa na nga tayo.  At sana ay magpatuloy na nga ang pagbangon nating lahat.