HANDA BA ANG PINAS SA MAKABAGONG GIYERA?

HANDA BA ANG PINAS SA MAKABAGONG GIYERA?

March 1, 2022 @ 2:36 PM 4 months ago


NAKIKITA ngayon ang larawan ng makabagong anyo ng giyera sa Ukraine.

Naririyan ang paglipad ng mga missile na hindi lamang kayang targetin ang mga mahahalagang imprastraktura kundi maging ang mga gusaling sibilyan na ginagawang kober ng mga naglalabanang sundalo at sibilyan.

Unang ginamit ang mga missile para sirain ang mga paliparang militar at sibilyan at habang nagtatagal, ang mga deposito ng mga langis at natural gas.

Kasama rin sa mga tinatamaan ang mga deposito at linya ng mga tubig at kuryente at suplay ng pagkain at daan-daan nang mga tahanan ang nasira na pinagmumulan ng mga sniper fire.

Hanggang sa tinitipa natin ito, bibihira ang nakalilipad na mga eroplano at helikopter ng Ukraine at wala ring nakagagalaw na barko ng navy at coast guard nito.

Sinabayan ang pag-atake ng mga daan-daang tangke at armored personnel carrier na sinasalubong din ng mga tangke ng Ukraine at anti-tank missile hanggang sa magkandawasak ang mga ito.

Mabilisan din ang pagdating ng mga Rusong pwersa sa Ukraine na dala ng mga helikopter at eroplano para magbaba ng mga paratrooper upang lusubin ang mga mahahalaga at malalaking lungsod gaya ng Kyiv na kapital ng Ukraine at Kharkiv.

MGA PATAY, SUGATAN AT BAKWIT

Sinasabing mahigit 300 na ang patay na sibilyan at libo-libong sugatan habang meron umanong 4,000 Rusong patay.

Daan-daang libo na rin ang nagbabakwit sa loob mismo ng Ukraine at palabas nito.

Ayon sa European Commission for Home Affairs, may 300,000 nang bakwit sa labas ng Ukraine habang sinasabi naman ng United Nations refugee agency na tiyak masa marami at hindi pa lang nalalaman.

Sa mga bakwit, kakambal nila ang takot, gutom, uhaw, dilim sa gabi, puyat at marami pang iba.

Naghiwa-hiwalay na rin ang mga pamilya dahil nagbakwit ang mga bata, ina, matatanda at nanatili sa loob ng bansa ang may edad 18-60 para lumaban.

Inaasahan na ring mas marami pa tiyak ang mamamatay, magkakasakit at maghihirap.

May mga fake news din gaya ng ibinabalitang patay ang 13 sundalong Ukraine sa Snake Island subalit nakita silang nasa loob ng bus patungo sa ligtas na lugar.

Pati mga babae, naging mabangis na rin bilang mga armado at tagagawa ng mga molotov bomb at nag-aarmas na lahat.

PAANO KUNG MAGKAGIYERA?

Ang West Philippine Sea ang posibleng pagmulan ng makabagong giyera na maaaring kasangkutan ng mahal kong Pinas.

Ginagawa lahat ni Pangulong Rodrigo Duterte para makaiwas ang Pinas sa giyerang mabangis na hindi madaraan sa mga itak, pana, paltik, iilang barko, limitadong bala, lumang eroplano at iilang helikopter.

Pero ang kapansin-pansin, hindi lumulusob ang mga kaalyado ng Ukraine kundi magbigay lang ng armas at training sa paggamit ng mga ito.

Ang mga hindi katugma sa pananaw ni Pang. Duterte ay gustong magpatikim ng bangis sa posibleng kalaban.

Saan nga tayo pupulutin sa giyerang makabago na wala tayong kalaban-laban at walang basta aayuda sa atin gaya ng nangyayari sa Ukraine?

Sana naman, wala tayong kasasangkutang giyera sa sulsol ng iba at mga dayuhan.

At kung magkagiyera man, hamon ‘yan sa mga sulsol at naggagaling-galingan.