Handover ceremony sa bagong pinuno ng PCOO, isinagawa

Handover ceremony sa bagong pinuno ng PCOO, isinagawa

June 29, 2022 @ 3:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinurn-over na ni Outgoing Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mga mahahalagang dokumento ng ahensiya kay incoming PCOO Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles.

Sa isinagawang PCOO New Administration Continuity Handover Ceremony, sinabi ni Andanar na kumpiyansa siya na mapananatili ni Secretary-designate Cruz-Angeles ang game-changing reforms, lalo na ang pagsisikap na mas mapahusay pa ang government media.

Umaasa naman si Andanar na maipagpapatuloy ni Angeles ang mga programa at proyekto na kanyang pinangunahan gaya ng pag-upgrade sa mga pasilidad at PNA, PTV, PIA, PBS, RTVM, at ng BCS; mga layunin para sa Government Communications Academy, Mindanao Media Hub, at Visayas Media Hub; pinalakas na ugnayan ng  local at international media gayundin ang mas magandang kooperasyon sa mga kaalyadong bansa.

“To our successors, may you continue to exhibit what real public service is and manifest a sense of determination to serve the common interests of the public. May you continue to support and pursue PCOO advocacies and aspirations of empowering every Filipino through correct and professional information delivery,” ayon kay Andanar.

 

Hinikayat din niya si Angeles na ipagpatuloy ang pagpo-promote sa Freedom of Information, tumulong sa pagbibigay proteksyon sa media personnel, at itulak ang batas na Media Workers’ Welfare Bill.

Samantala, nangako naman si Angeles na magbibigay ng “more depth and more dimension” sa kung ano na ang nakamit ng PCOO, pinaalalahanan nito ang lahat na magkakaroon ng pagbabago sa pagpasok ng bagong liderato.

“Change must be managed. It is inevitable so you must face it. What we’re doing now is facing changes. There are some here who I will be seeing more and there are some who will be moving forward. Either way, you’re going to be managing some kind of change. But our success is determined by our ability not just to manage them but to adapt with them,” ani Angeles.

“I’m so glad to see that so much has been accomplished in the previous administration and what we would like to do to bring more depth, more dimension to what we have already achieved,” dagdag na pahayag nito.

Si Cruz-Angeles, isang social media strategist sa PCOO mula Hulyo 2017 hanggang 2018 sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay tinanggap ang alok na maging press secretary.

Kung maalala, noong unang bahagi ng taong 2000s, nagtrabaho si Cruz-Angeles sa ilang mga ahensyang kasangkot sa heritage and cultural conservation.

Nagtrabaho rin siya bilang tagapagsalita ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at legal counsel para sa mga indibidwal na sangkot sa mga kontrobersyal na kaso.

Kabilang sa mga kliyenteng kanyang kinatawan ay ang itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II at dating pugante na naging Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Noong 2016, sinuspinde ng Korte Suprema si Cruz-Angeles mula sa pagsasanay ng batas sa loob ng tatlong taon.

Sinabi ng mataas na hukuman, nilabag niya at ng kapwa abogadong si Wylie Paler ang mga sipi sa code of conduct ng abogado laban sa mga hindi tapat na gawain, pagpapabaya sa mga legal na bagay na ipinagkatiwala sa kanila, at pananagutan para sa pera ng kliyente.

Naging radio show host at prominenteng blogger din ito kung saan sinusuportahan niya ang administrasyon ni Pangulong Duterte.

Samantala, pinangalanan naman ni Angeles ang iba pang incoming officials na magsisilbi sa ilalim ng kanyang liderato, ito’y sina Ina Reformina, Greggy Eugenio, Marlon Purificacion, Bobby RicoHermoso, Emerald Ridao, Andrei del Rosario, Atty. Eugene Rodriguez, Dale De Vera, Kitz Barja, Aristotle Aguilar, at Jan Paul Songsong. Kris Jose