TILA naguguluhan o lito na ang mga nagpapatakbo nitong social media account na Facebook, dahil kamakailan lamang ay pinagtatanggal nito ang mga post ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at binalaan pa ang kalihim sa kanyang mga sinishare na mga post.
Nakababahala ito. Bagama’t ibinalik naman ng Facebook ang mga post ni Sec. Esperon, wala namang pag-amin o dispensang ibinigay ang US-based tech giant, kung ano ang hangarin nito na tanggalin pansamantala ang mga post ng kalihim.
Ang nasabing post ay tungkol lamang naman sa panawagan ni Esperon sa ating mga kababayan na makiisa sa pamahalaan at administrasyong Duterte na labanan at tapusin na ang mga paghari-harian ng mga komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
‘Censorship’ at mga restriksiyon ang ganitong gawi, na ginawa rin ni Facebook sa aking mga post at iba pang opisyal ng pamahalaan na naglalabas lamang ng kanilang saloobin sa pagmamalabis ng CPP-NPA-NDF. Gaya rin ng kanilang ginawa kay Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy.
Magpapadala ang Facebook sa mga diskarte ng mga komunistang-terorista na siyang naguudyok dito na tanggalin ang mga post na pinasama ang kanila raw imahe.
Ngunit kung susumahin ang mga post ni Sec. Esperon at Usec. Badoy ay pawang katotohanan naman at base sa mga talagang Datos at mga ebidensiya nilang nakalap. Kung nagagawa ito ng Facebook sa mga opisyal ng pamahalaang Pilipinas, Mano pa sa mga ordinaryong Pinoy?
Ang dapat ay kinikilatis nang maigi ng Facebook ay mga ganitong post na walang ibang intensyon kundi ipaalam sa lipunan ang kasamaan ng CPP-NPA-NDF upang sila ay maprotektahan na rin sa kahayupan ng mga komunistang-terorista.
Ang dapat pa rin, ay nakikipagtambalan ang Facebook sa pamahalaan sa mga ganitong pakikipaglaban.
—
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!