Hanggang 15% na pagdami ng mga pasahero sa NAIA asahan simula Dec. 15 – MIAA

Hanggang 15% na pagdami ng mga pasahero sa NAIA asahan simula Dec. 15 – MIAA

November 25, 2022 @ 6:12 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na inaasahan na nila ang 13 hanggang 15% na pagdami ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula Disyembre 15.

Ito rin ang itinuturing na peak season habang mas lumalapit na ang araw ng Pasko.

Kasabay ng public briefing, sinabi ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co na mayroong 100,000 pasahero ang naitatalang dumarating at umaalis ng bansa.

“Sa peak season inaasahan po natin, dadagdag ang pasahero dito sa NAIA at 13 to 15% po. Currently we are at around 100,000 passengers daily ito po ay combination ng ating arriving at departing passengers for both domestic and international operations po,” ani Co.

“When we say the peak season that will be around mga mid-December po around December 15 onwards until early January po talagang tataas ang volume ng pasahero by around 15% po,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa opisyal, mayroon ding pagtaas sa dami ng mga bumibyahe lalo na sa mga domestic destinations kasunod ng pagluluwag ng mga restriksyon sa COVID-19.

“Pagdating sa ating domestic destinations po dahil alam naman po natin nagbukas na ang ating different domestic destinations at nawala na po ang mga restrictions na mayroon during COVID times talaga po nalagpasan na natin ang pre-pandemic or pre-2019 figures natin pagdating sa domestic operations po,” pagbabahagi ni Co.

“Pero ang international naman po mayroong ibang markets po o bansa na restricted pa rin po ang movement because of COVID nasa mga 60 to 70% pa lang po tayo ng pre pandemic international traffic natin po pagdating sa travels natin sa ibang bansa po,” dagdag niya.

Siniguro naman ni Co na sapat ang tauhan ng mga airline companies sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa peak season.

“Tinitiyak po natin ang kanilang mga manpower are already sufficient to handle yung expected surge in the number of passengers that we expect in peak season po natin nitong December.” RNT/JGC