‘Hanggang kailan maghihigpit ng sinturon si Juan Dela Cruz?’ – Villanueva

‘Hanggang kailan maghihigpit ng sinturon si Juan Dela Cruz?’ – Villanueva

August 8, 2018 @ 12:00 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Matinding binatikos ni Senador Joel Villanueva ang economic managers ng pamahalaan sa patuloy na paglawak ng inflation rates na unti-unting “kumikitil” sa mahihirap.

Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na walang ibang prayoridad ngayon ang pamahalaan kundi ang pagkontrol sa inflation upang makahanap ang mga economic managers ng posibleng aksiyon at matiyak na manageable ang presyo ng pangunahing bilihin.

“Ang tanong ko sa ating mga economic managers, hanggang kailan dapat maghigpit ng sinturon si Juan bago kayo umaksyon para tugunan ang problema ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin?
,” giit ni Villanueva.

Dahil dito, hiniling ni Villanueva ang pamahalaan na magbigay ng kumprehensibong policy direction sa lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at ipaalam sa Kongreso kung paano tutugunan ang inflation.

Aniya, isa sa panukala sa Senado ang Senate bill No. 1476 na may layunin na magkaroon ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas at bigyan ang consumers na mas malawak ng pagkakataon na makabili ng murang bigas.

Kabilang dito ang pagbabawas sa Value Added Tax tungo sa 10%.

“Hinikayat natin ang pamahalaan na suportahan ang mga social mitigating measures na ito upang mabawasan ang epekto ng TRAIN sa mga mahihirap,” giit niya.

Samantala, inihayag naman ni Sen. Bam Aquino na dapat bantayan ng pamahalaan ang kapakanan ng magsasaka at mangingisda kapag sinimulan na ang pagtalakay ng panukalang mas mababang taripa para sa karne, isda at bigas, ayon kay Sen. Bam Aquino.

“Lowering the tariffs will lower the price. Pero sa pagbaba ng presyo ng imported, ang ating magsasaka at mangingisda naman ang masasagasaan,” wika ni Sen. Bam sa ginawang briefing para sa panukalang 2019 National Expenditure Program.

“Kailangan natin protektahan ang mga Pilipinong nalulunod na sa taas-presyo,” wika ni Sen. Bam kay National Economic and Development Authority (NEDA) director-general Ernesto Pernia, na tiniyak sa senador na magkakaroon ng konsultasyon sa mga sektor ukol sa isyu.

Hiniling din ni Sen. Bam sa economic managers ng gobyerno na tiyaking nakalatag na ang ayuda para sa milyun-milyong magsasaka bago ipatupad ang rice tariffication.

“Rice tariffication will have a detrimental effect to 3.5 million Filipino rice farmers. Bago pa ito ipatupad, dapat nakahanda na ang tulong sa ating magsasaka,” wika ni Sen. Bam, na nagsabing bumoto siya kontra sa TRAIN Law dahil sa kabiguan ng gobyerno na ibigay sa oras ang nakatakdang tulong sa mahihirap.

Plano ng pamahalaan na maglaan ng P10 bilyong tulong sa magsasaka para mapaganda ang irigasyon, maglagay ng maliliit na water impounding systems at mabigyan sila ng mas magandang binhi at kagamitan.

Hinikayat din ni Sen. Bam ng economic managers na pag-aralan ang kanyang “Bawas Presyo Bill” bilang solusyon sa mataas na inflation rate.

“My bill will institute a safeguard to allow us to rollback and suspend the excise tax on petroleum products,” wika ni Sen. Bam, bilang pagtukoy sa Senate Bill No. 1798.

Pakay ng panukala ni Sen. Bam na suspindihin at i-rollback ang excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

“We need this to safeguard before January. Kung hindi ipasa ang ‘Bawas Presyo Bill’, mamimilipit tayo sa paghahanap ng legal na paraan para pigilan ang pagtaas ng excise tax sa Enero,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senator na kumontra sa ratipikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ernie Reyes