Hanggang P4M multa posible sa lalabag sa data privacy ng SIM card registration law

Hanggang P4M multa posible sa lalabag sa data privacy ng SIM card registration law

October 13, 2022 @ 12:19 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P500,000 hanggang P4 milyong piso ang posibleng kaharaping multa ng lalabag sa data privacy alinsunod na rin sa kamakailan lamang na nilagdaang SIM Card Registration Act.

Ito ang inihayag ni DICT Secretary John Ivan Uy sa Laging Handa public briefing sa gitna ng ginagawang pagbalangkas sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng naturang batas.

Ani Uy, kailangan lang na mai-outline kung anu- anong paglabag ang babagsak na sakop ng multa na ipatutupad ukol sa bagong batas kung saan ay tinitiyak na mapapangalagaan ang data privacy ng nagmamay-ari ng sim card.

Responsibilidad aniya ng mga telecommunications company ang pag-iingat ng anumang impormasyon ng kanilang subscribers.

Ang mga ito aniya ang primary repository ng anumang impormasyon ng isang subscriber lalo na ang mga postpaid clients na matagal na nilang hawak.

Kaya magkaroon umano ng data leak ay pananagutin ang mga telco. Kris Jose