Hangga’t may korap, may masisibak- SAP Go

Hangga’t may korap, may masisibak- SAP Go

August 11, 2018 @ 9:45 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Hindi titigil si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sibakin sa puwesto ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence Bong Go na hangga’t may corrupt na opisyal sa gobyerno ay hindi magdadalawang-isip ang Chief Executive na sipain ang mga ito sa kanilang posisyon.

Sinabi ni Go na totoong marami sa mga itinalaga ni Pangulong Duterte ang nakatulong sa kanya noong panahon ng kampanya bilang pagtanaw ng utang na loob pero hindi ito aniya sapat na dahilan para pabayaan ng Pangulo na mapagsamantalahan ang gobyerno.

Aniya, matibay ang tagubilin ng Pangulo sa mga appointee nito na gawin ang tama para sa sambayanan at iwasan ang korapsyon o anumang uri ng katiwalian sa puwesto.

Binigyang diin ni Go na masakit sa loob ng Pangulo na sibakin sa pwesto ang mga malalapit at nakatulong sa kanya noong nakaraang halalan dahil lamang sa katiwalian pero mas mahalaga sa kanya ang interes ng mayoryang Pilipino.

Dagdag pa ni SAP Go na pinapahalagahan ng Punong Ehekutibo ang pagkakaibigan pero mas matimbang ang determinasyon ng pangulo na maibigay ang tamang serbisyo sa bayan at maipatupad ang mga kinakailangang reporma. (Kris Jose)