Hapon, 3 pa timbog sa pambubugaw

Hapon, 3 pa timbog sa pambubugaw

February 16, 2022 @ 1:20 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang Hapon at tatlo pang indibidwal ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot sa ‘sex trafficking’ sa mga kabataang Pilipina sa mga dayuhang kustomer sa isang beerhouse sa Pasay City.

Kinilala ni NBI Officer-in-charge Director Eric Distor ang mga nadakip na sina Hiroshi Akiba, alyas “Hiro”, manager ng International King and Queen Manila.

Binitbit din ng NBI sina Mary Jane Santos, alyas Yuki; Jeanette Gonzales, alyas Cherry; at Erlinda Merillo, alyas Linda na kapwa tauhan ni Hiro.

Sa ulat ng ahensya, nagkasa ng operasyon ang  NBI-International Operations Division nitong Pebrero 2 sa naturang beerhouse sa Pasay dahil sa ulat ng lantarang prostitusyon na mga dayuhan ang mga kliyente.

Nakipagtransaksyon naman kay Linda ang asset ng NBI na nagpanggap na kustomer kung saan nagbigay ito ng dalawang babae.

Nang tanungin kung ano pang serbisyo ang ibinibigay ng mga babae, sinabi ni Linda na nagbibigay rin sila ng serbisyong sekswal sa halagang P3,500 na ginagawa sa VIP rooms ng club.

Nang maiabot ang marked money Kay Linda, dito na nilusob ng mga operatiba ang loob ng club at inaresto ang apat na suspek.  Nasa 55 babae rin ang nailigtas ng NBI sa operasyon.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti Trafficking in Persons Act of 2003 ang mga naaresto sa Pasay City Prosecutors office. Jocelyn Tabangcura-Domenden