Hapon, binitbit sa Mail Order Bride

Hapon, binitbit sa Mail Order Bride

July 26, 2018 @ 4:47 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Arestado ang isang Japanese national dahil sa kasong Mail Order Bride nang palabasing ikinasal ang isang Pinay sa kapwa nito Hapon gamit ang pekeng mga dokumento at marriage contract.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran, ang suspek na si Jiro Saito na gumagamit ng mga alyases na ‘Saito San at Ken Suzuki’.

Si Saito ay naaresto sa Dexdan Travel Consultancy Services sa Malate, Maynila.

Nag-ugat ang pagkaaresto ni Saito sa reklamo ng complainant na si Ma.Theresa Kyla Serafio kung saan si Saito umano ang nag-asikaso ng kanyang mga dukomento tulad ng pinekeng marriage contract.

Ayon sa complainant, patungo ito ng Japan noong July 22 ngunit na-offload ito ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kahina-hinala nitong mga dokumento kung saan hindi tugma ang nakalagay ng detalye sa kanyang marriage contract at pasaporte.

Pinalabas umano ng suspek na kasal si Serafio sa isa ring Japanese national na si Atsushi Takahashi noong April 6,2018  upang nakapunta lamang ng Japan at makapagtrabaho bilang entertainer sa club na pag-aari umano ni Takahashi.

Sa pakikipag-ugnayan ng NBI sa Manila Police District (MPD) agad ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng NBI International Airport Investigation Unit na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek sa kanyang opisina.

Isinalang na rin sa Inquest Proceeding sa Department of Justice ang suspek at si sinampahan ng kasong paglabagsa RA 6955 o Mail Order Bride o Matching Filipino Woman for Marriage at Expanded Trafficking in Persons Act.

Habang pinaghahanap naman ang iba pang kasabwat ng suspek na sina Angelica Hernandez, at mag-asawang Takashi Sugano at Nancy Sugano. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)